Mark Joseph' Point of View:
Ang tinig niyang nanginginig ngunit puno ng lambing at pakikiusap, ang paulit-ulit na umikot sa aking isipan. Please, don't say... Don't say NO. Parang inuutusan niya ako kahit mukha siyang nakikiusap. At sinabi pa niya iyon sa akin sa paraang mahihirapan akong tumanggi.
Nanginig ang kalamnan ko nang tila pasukan ng lamig ang aking katawan dahil sa malamig na tubig na umaagos sa aking kamay mula sa nakabukas na gripo. Nang sandali kong ipikit ang aking mga mata, gumihit sa aking isipan ang nakangiting mukha nina mama at tito Felix. At masasabi kong salamin iyon ng isang masayang pagsasama.
"Bitawan mo ako," I said.
Imbis na bitawan ako ni Kyle, lalo lamang niyang hinigpitan ang pagyakap niya sa akin. Dama ko ang mabilis niyang paghinga mula sa aking likuran. At hindi ko maitatangging ramdam ko rin ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
"Mahal na mahal kita, MJ. Mahal mo pa naman ako diba? Kung natatakot ka na malaman nila ang tungkol sa ating dalawa, itatago natin sa kanila. Hindi ako magpapahalata. Makikinig ako sa lahat ng gusto mo. Just please. Please... Don't say no." Nakagat ko ang aking ibabang labi nang marinig ko ang pabulong at namamaos na tinig ni Kyle.
Nasasaktan ako, laluna't alam kong mas masasaktan ko siya.
Pinatay ko ang gripo saka inabot ang bimpong nakasabit malapit sa sink. Tinuyo ko ang aking kamay habang walang buhay akong nakatingin sa mabilis na paghuho ng tubig. Kung ganoon lamang kabilis tanggalin ang lahat ng sakit at pag-aalinlangan sa aking puso, hindi na sana ako mahihirapan ng ganito.
"Kung noon mo pa sana 'to sinabi sa akin, hindi ako magdadalawang isip na ibigay sa 'yo ang lahat ng gusto mo. Handa naman ako noon eh, na saluhin ang kahit na anong sasabihin sa akin ni mama. Kung nakinig ka sana sa akin, hindi tayo ganito ngayon, Kyle."
Nanginginig ang mga kamay ko nang hawakan ko ang magkabila niyang kamay upang tanggalin iyon sa pagkakahawak sa aking magkabilang tagiliran. Hindi siya nanlaban sa akin, binitawan niya ako ngunit hindi siya lumayo sa akin. Namuo na lamang bigla ang luha sa aking mga mata, nang maramdaman ko ang pagpatak ng kanyang luha sa aking balikat. Dinig ko ang mahina niyang hikbi.
"Bakit kasi ngayon lang, Kyle. Kung kailan kailangan na kitang tanggihan," I said. Napaupo ako sa aking binti nang tuluyang pumatak ang luha sa aking magkabilang pisngi. "Tama na. Ayoko nang ganito tayo. Kung gusto mo pang matira ang pagkakaibigan nating dalawa, tumigil ka na."
Umupo si Kyle sa kanyang binti malapit sa aking tabi. Pinunasan niya ang luha sa aking pisngi, saka siya nagpakita ng isang ngiting masasabi kong may kahalong pagsisisi. Naiiwan pa sa kanyang mga mata ang namuuong luha na tila pinipilit niyang huwag pabagsakin. At ang mukha niyang puno ng kalungkutan ang tuluyang nagwasak sa aking puso.
"I'll stop. So please. Don't cry," Kyle Whispered.
Unti-unting humaplos palayo sa aking pisngi ang kamay ni Kyle, bago siya tumayo at naglakad palayo sa akin. Hanggang sa narinig ko na lamang ang pagsara ng pinto. Ang nasasaktan niyang mukha habang sinasabi niyang huwag akong umiyak, ang lalong tumulak sa aking mga luha pabagsak sa aking magkabilang pisngi.
Niyakap ko ang aking sarili habang nakaupo sa sahig. Kung maaaari ko lang isigaw kung gaano ko siya kamahal, ginawa ko na. Marinig niya lang ako. Bumalik lang siya sa tabi ko. Pero kahit ang tinig ko ay hindi nakikisama sa mga gusto kong gawin. Dahil alam kong... Hindi maaari.
![](https://img.wattpad.com/cover/45026238-288-k245560.jpg)
BINABASA MO ANG
DEEP LOVE
AléatoireDEEP LOVE WRITTEN BY SOMEONELIKEK Mark Joseph Serrano has Haphephobia, fear of being touched. Ito ang dahilan kung bakit lumayo si Mark sa mga noon ay malalapit sa kanya. Binago nito ang pakikitungo niya sa mga tao dahilan para mawalan siya ng kaibi...