Mark Joseph' Point of View:
Nang makaupo ako sa front seat ng sasakyan ni Sean, tinanaw ko si Kyle na nakadungaw mula sa bintana ng kanyang silid. Kahit hindi ko gaanong maaninag ang kanyang mukha, alam ko na hindi siya masaya—tulad ko.
"Mark, sigurado ka ba na hindi na natin isasama ang kuya Benjamine mo? Tayo lang dalawa ang babyahe papunta sa restaurant. Baka hindi ka maging komportable," sabi ni Sean.
Umalis ako ng bahay para umiwas kay Kyle. Tapos isasama ko pa siya? No way...
"Gusto ko sanang sanayin ang sarili ko kaya tayo na lang muna."
"Are you sure?" Sean asked and I nodded.
Matagal akong pinagmasdan ni Sean. Ang hula ko, pinakikiramdaman niya kung talagang buo ang aking loob. Kaya naman nakipagpalitan ako ng tingin sa kanya para ipahiwatig na seryoso akong baguhin ang aking sarili. Nang makuntento na siya, pinaandar na niya ang sasakyan.
"Hindi ko inasahan na ikaw pa mismo ang tatawag sa akin para ayain akong kumain sa labas at makipagkita sa mga kaibigan mo," sabi ni Sean habang seryoso siya sa pagmamaneho.
"Inaya kasi ako ni Maci kagabi na pumunta sa bahay nila Iah. May mga bago raw materials si Iah, gusto niyang subukan namin na mag-painting. Naisip ko na mas maganda kung kasama ka namin para naman mahusgahan mo ang gawa namin."
Parang nalungkot si Sean sa sinabi ko, nang mapansin kong medyo inangat niya ang kanyang ibabang labi. Dahil doon, kumurba tuloy ang baba niyang malaman.
"Meaning... Inaya mo ako hindi dahil gusto mo akong makita o makasama." Bumuntong-hininga siya saka kinabig ang manibela matapos siyang mag-signal pakaliwa.
"Di nagtatampo ka na niyan?"
"Medyo. Pero ayos lang. Ang mahalaga, ako ang naisip mo nang makarinig ka painting," sabi ni Sean. Nakangiti na siya ngayon.
Mababaw talaga ang kaligayahan niya.
"Siya nga pala, nabalitaan ko na buntis ang mama mo. Good news! Magkakaroon na kayo ng isa pang kapatid," sabi ni Sean.
Pinilit kong ngumiti. "A-ha,"
"Bakit parang hindi ka yata masaya? Nag-aalala ka ba na baka mas lalong mahati ang atensyon ng mama mo sa inyo?"
Masyadong malinis ang dahilan na naiisip ni Sean sa akin. Pakiramdam ko tuloy, mabuti akong anak sa paningin niya. Malayong-malayo sa totoong nararamdaman ko.
"Masaya ako. Hindi lang siguro halata."
Iniba ni Sean ang usapan nang manahimik ako. Naramdaman siguro niya na wala akong gana na pag-usapan ang tungkol sa pagbubuntis ni mama. Nasasaktan ako. Dahil lalo ko lang naiisip na magkaroon ng buhay na hindi ko gusto. Buhay na hindi ko pinangarap para sa sarili ko.
Nang ihinto ni Sean ang sasakyan sa tapat ng restaurant ng pamilya Esilco, na pagmamay-ari ng mama ni Luis. Napatingin ako kay Sean. "Dito tayo kakain?"
"Oo, dahil tayo lang dalawa ang magkasama. Dinala kita rito sa restaurant ng kaibigan mo dahil alam ko na dito ka mas magiging komportable. Itinanong ko ito sa mama mo kanina," sabi ni Sean bago siya bumaba ng sasakyan. Sumunod ako sa kanya papasok sa restaurant.

BINABASA MO ANG
DEEP LOVE
RandomDEEP LOVE WRITTEN BY SOMEONELIKEK Mark Joseph Serrano has Haphephobia, fear of being touched. Ito ang dahilan kung bakit lumayo si Mark sa mga noon ay malalapit sa kanya. Binago nito ang pakikitungo niya sa mga tao dahilan para mawalan siya ng kaibi...