CHAPTER 32
December 20, 2012
Doomsday. Apocalypse. Catastrophes.
Gaano ba kalawak ang kaalaman ng tao para mahulaan ang katapusan ng mundo kung mismong tayo ay walang alam sa eksaktong taon kung kailan nabuo ang mundo? Pagkagunaw pa kaya.
Hula, psychic vision, tarot, numerology, astrology, cosmology ay ilan lang sa medium na ginagamit ng mga taong pinagpala kuno para masilip ang hinaharap. Kung meron man silang kakayahan, bakit kadalasan mahirap hulaan ang sariling kamatayan. P'wede kayang mahulaan ang pagkagunaw ng mundo dahil nakita n'ya ang kanyang kamatayan habang nagugunaw ang mundo? Pwede bang mahulaan muna ang kamatayan bago ang delubyo o delubyo muna sunod ang sariling kamatayan. Pero hindi kailangan hulaan ang kamatayan dahil lahat ng tao at bagay ay may hangganan. Maaari lang na sabihing higit kang pinagpala sa lahat ng manghuhula kung mahuhulaan mo ang araw at paraan kung paano ka aakapin ni Ka Matay An.
Maya calendar. Isa sa pinakasikat na kalendaryo sa nakaraang siglo dahil sa dala nito stigma tungkol sa hula nitong delubyo. Iba't-ibang interpretasyon ngunit karamihan ay nakatuon sa katapusan ng mundo. Planet Nibiru impact, solar flare, magnetic shift at kung anu-ano pa. Maging sa internet ay mainit itong tinatalakay lalo na ng ipalabas ang 2012 na pelikula na tumabo sa takilya. Kaya't marami tuloy ang natakot at ang ilan ay nagpanic buying, hoarding, pumunta sa matataas na lugar, at ang iba naman ay isiniksik ang mga sarili sa lungga maging sa ilalim ng lupa. At ang matindi ay merong nagpakamatay dahil hindi n'ya matanggap na mamamatay na siya sa nalalapit na delubyo.
Ngunit meron naman na imbes ng ma-stress ay pinili na lang na magsaya. Katulad na lang ng Hexon Group na nag-setup pa ng bonfire sa isang beach at ipinagdiwang ang pagpasok ng sinasabing New Age movement o ang spiritual evolution. Sila ang isa sa mga grupong nakahanda para sa isang makabuluhang pagbabago. Alas dies ng gabi nila sisimulang silaban ang inihandang bonfire na magbibigay sa kanila ng liwanag para harapin ang pagdating, hindi ng delubyo, kundi ng bagong panahon.
Pero anim na oras bago ang pinakahihintay ng mga doomsayers, matapos ang photo gig nina Ulysses at Art, dumaan muna si Ulysses sa Lab at muntik na s'yang mawalan ng balanse dahil sa isang maliit na kahon na nakaharang sa pinto na kanyang iniwasan para hindi n'ya ito masagi. Medyo madilim na, kaya hindi n'ya ito napansin lalo pa't itim ang kulay ng kahon. 5 x 5 x 5 inches ang sukat ng kahon. Pero wala naman s'yang maalalang inorder o hiniram.
Umikot muna s'ya ng tingin sa paligid saka napagpasyahang ipasok na lang ito sa loob. Binuksan ang pinto at maingat n'yang iniangat ang medyo may kabigatang kahon. Matapos makapasok, dahan-dahang nitong ipinatong sa center table ng sala, umupo sa sofa at pinagmasdan ito ng mabuti. Saka lang n'ya na napansin na hindi ordinaryo ang kahon. Sa bawat gilid nito ay may naka-emboss na parang gothic design. Gawa ito sa kahoy.
Nagdalawang isip s'yang buksan sa pag-akalang bomba ito. Lumapit siya at pinakinggan ang loob kung may tumutunog na relo. Nang masigurong safe namang buksan, dahan-dahan n'yang tinanggal ang full-top cover nito.
Nang matanggal, agad s'yang tumakbo at tumago sa likod ng sofa habang hawak pa ang takip. Walang bombang sumabog o usok na lumabas. Tiningnan n'ya ang loob ng takip. Nababalutan ito ng kulay pulang felt paper or cloth at walang anumang nakasulat o nakaimprenta. Ilang segundong paghihintay, lumapit siya ng dahan-dahan at dinungaw ang loob ng kahon at tumambad sa kanya ang isang... itim na CD.
"What the heck, CD?" ang tangi n'yang nasambit.
Ang lalong nagpamangha sa kanya matapos dukutin ang CD sa loob ay ang holder nito. Isang kulay dark gray na hugis kamay na gawa sa tanso. Ang gitnang daliri nito ang nagsilbing holder para sa butas at ang apat naman ay para sa rim ng CD.

BINABASA MO ANG
Alt Key: The Devil's Code (Completed)
Mistério / SuspenseScifi/Paranormal A dark mystery yet to be unfolded. An incident that abruptly altered the life of a simple girl. The catalyst of the Devil to accomplish centuries old plan, exploiting ancient and modern inventions. But the...