CHAPTER 63
June 11, 2013
Magdamag na nag-abang sina Meynard at Yasmine ng text o tawag ni Queeny kagabi. Maging sa Facebook ay inabangan din nila kung may bagong upload si Ulysses. Ayaw pa nilang ipaalam sa Mommy ni Queeny dahil hindi pa naman sila sigurado sa tunay na nangyari sa kanilang kaibigan at mag-aalala lang ito.
Halos dalawang oras lang ang itinulog ni Yasmine samantalang wala ng tigil si Meynard sa kaka-research. Nananalangin na sana'y may magparamdam din sa kanilang intercession galing sa itaas, kahit sa anong paraan dahil inaamin n'ya, nawawalan na rin s'ya ng pag-asa. Nagtatampo na rin s'ya dahil pawang hinahayaan lang sila at walang tulong na dumarating sa kanila.
Bago mag-alas-otso ng umaga, lumabas na ang hinihintay at kinakatakutan nilang bagong upload ni Ulysses. Si Meynard ang unang nakakita nito. Tama ang hinala n'ya dahil maaaring may kaugnayan sa krus ang paraan na gagamitin ni Ulysses na nasa mga simbolo ng pangalan n'ya at hindi ang eroplano na una nilang pangamba.
Pero bakit dinamay pa ang Air Pacific Philippines kung hindi man ito ang nakalaan na paraan, ang tanong ni Meynard sa kanyang sarili. Mahigit singkwentang buhay ang sinayang mo Ulysses para ano, para paglaruan lang kami, para takutin? My God, asan na po kayo? Magkahalong galit, awa at desperasyon na ang nararamdaman ni Meynard. Ninais n'ya na sana'y s'ya na lang ang nauna at hindi ang ganun na nahuli pero unti-unti naman s'yang pinapatay ng sobrang kawalan ng pag-asa.
Kamatayan lang ang naiisip n'yang tanging magbubura sa lahat ng kanyang pagdurusa. Pero kung dun lang naman s'ya papunta, mas ninanais pa n'yang magkakaroon ng halaga at saysay ang kanyang kamatayan. Tinawagan n'ya si Yasmine ngunit busy ang linya nito.
Muli n'yang tiningnan ang uploaded picture. Kinunan ito sa kasal ng katrabaho ni Queeny na si Joseph kung saan isa s'ya sa mga naging abay nito. Makikita sa larawan na s'ya lang ang may kakaiba sa group picture. Nasa gitna ang ikinasal, nasa kaliwa ang mga babae at nakapuwesto si Queeny sa pinaka dulong bahagi. Lahat ng abay na babae ay may hawak na bouquet ng Tulips maliban sa kanya dahil isang kahoy na krus na kasing laki ng ruler ang hawak na n'ya. Nagmukha tuloy s'yang sagala sa Santakrusan. Katabi n'ya si Ulysses na abot teynga ang ngiti na nakasuot din ng barong habang nakaturo ang kanang kamay sa krus.
*****
Hindi pa rin makontak ni Yasmine si Queeny. Matapos ibaba ang cellphone, isang text message ang kanyang natanggap. Halos mabitawan n'ya ang telepono nang mabasa n'ya ang mensahe. Pinapapunta s'ya nito sa site ng Youtube at i-search ang pangalang Queeny.
Parang may kung anong malamig na hanging dumaan sa kanyang likod na nagpanginig sa kanyang kamay habang binibuksan n'ya ang site ng Youtube sa laptop. Matapos i-type ang Queeny sa search box, tumampad sa kanya ang ilang resulta. Sa unahan, isang video na may title na Queeny at walang preview image at sumunod ang music video ni Jesse Younan na may title na Queeny. Pigil hininga n'yang klinik ang unang video. Ilang butil ng pawis na rin ang namumuo sa kanyang noo.
Sa unang mga segundo ng video, parang sine-setup pa lang ang camcorder dahil magalaw ito at wala pa sa focus. Matapos ang ilang segundo, huminto ito at muling ini-adjust sa tamang anggulo. Itinutok ang lente paitaas at isang malabong life size na imahe ng nakatayong krus na gawa sa malalaking troso ang maaaninag sa screen.
Nang luminaw ang imahe, sa unang tingin, akala n'ya si Kristo lang ang nakabitin sa krus pero nang mag-adjust ang kanyang paningin halos manginig ang buo n'yang katawan sa natunghayan. Napatakip s'ya ng bibig..
"Oh shit, Queen! Queen. Oh shit.. Queeeeen nooo!"
Hindi n'ya alam kung live ito or recorded pero nakapanglulumo ang hitsura ni Queeny. Tanging underware lang na panty ang suot nito. May ilang mga sugat sa kanyang katawan pero ang hindi kinaya ni Yasmine ang makitang tila tinanggalan ito dalawang nipples. Tunay ding ipinako ang mga kamay nito sa gitna ng palad at maging ang mga paa na nakapatong sa isang piraso ng kahoy. Natatalian naman ang braso at pulso nito para masuportahan ito. Samantalang ang namumutlang mukha nito ang tanging walang sugat at ang buong katawan nito ay naliligo na ng kanyang sariling dugo.

BINABASA MO ANG
Alt Key: The Devil's Code (Completed)
Mistério / SuspenseScifi/Paranormal A dark mystery yet to be unfolded. An incident that abruptly altered the life of a simple girl. The catalyst of the Devil to accomplish centuries old plan, exploiting ancient and modern inventions. But the...