NAKAHALUMBABA kong pinapanood sila Xander at Wendy na naglalaban na naman sa aming harapan, si Firro na nagbabasa ng aklat, at si Misha na kinukurot-kurot ang aking pisngi dahil isa rin siyang walang magawa.
Ako nama'y katatapos lang magbasa ng isang libro kaya pinapahinga ko muna ang aking mga mata bago lumipat sa kasunod.
"HA-1!" Napalingon kaming lahat sa pinto nang may kumatok at lumitaw si Propesor Claire. "May bagong estudyanteng paparating. Salubungin niyo siya nang maayos, ha? Paalam!" At kaagad din siyang umalis.
Kumukurap-kurap kong tiningnan ang mga kaibigan ko para ipakita ang pagkalito. Minsan na nga lang itong bumisita sa aming pangkat ngunit halos hangin lang itong dumating at umalis.
Sandali ring tumigil si Misha sa pagkurot sa'kin. "Bagong estudyante?" Nagtataka niyang wika at nagpatuloy na naman.
"Ang huli naman niya masyado?" Kunot-noong dagdag ni Wendy at kaagad na kinuha ni Xander ang tyempong 'yon para sumugod. Mabilis siyang nakailag at nagsimula na naman sila.
Mayroon silang mga nasisira na siyang kinatakot ko noong una dahil baka mapagalitan kaming lahat, pero hindi pala 'yon problema dahil mayroong mahikang gamay si Xander na nag-aayos ng mga nasirang bagay.
May kumatok ulit sa pinto pero hindi na nagpagulo sila Wendy. Tiningnan ko si Misha kung may balak siyang batiin pero patuloy lang siya sa pagkurot ng pisngi ko habang nanonood doon sa dalawa. Wala namang nagbago sa puwesto ni Firro.
Akmang tatayo na 'ko para salubungin 'yong lalaki nang napansin 'yon ni Misha kaya napalingon siya sa gawi ng pinto.
"Ikaw na lang." May halong pakiusap sa aking tono. Hindi ko hilig kumausap ng mga hindi pamilyar sa'kin.
Tumawa siya sa itsura ko pero tumayo na rin. Matapos ay inaya niyang pumasok 'yong lalaki. "Pakibigay sa'kin ng inyong atensyon, mga alipin!" Nanunuya niyang pahayag.
Tumigil 'yong dalawa na hinihingal pa, isinara rin no'ng isa ang librong binabasa niya.
"Magsimula ka nang magpakilala." Tulak ni Wendy nang ilang segundo na ay hindi pa rin nagsasalita 'yong lalaki at nakatingin lang sa magulo naming silid.
Pinigilan kong matawa sa ekspresyon ng estranghero, tingin ko'y ganiyan din ang reaksyon ko noong una kong makita kung gaano kagulo ang lugar kung saan mangyayari ang klase ko.
Napakamot ng batok si Xander. "Emantur ligna!" Matapos niyang gumamit ng mahika ay bumalik na sa dating ayos ang aming silid.
Ang mga nabasag nilang salamin ng bintana, pintura ng pader na natuklap, lamesa nilang dalawa na nasira, ang kabuuang estado ng silid na dumumi dahil sa pinaghalo nilang lupa at hangin— lahat 'yon ay nagmukhang bago muli.
Nilingon ko ang estante ng mga aklat sa aming likuran na hindi nagalaw dahil napagkasunduan namin ni Firro na itaboy ang mga atake nila tuwing sa direksyong ito pupunta.
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn