Narrator
"SINASABI mo bang nagpunta rito ang aming anak at ni hindi niyo man lang kami tinawag?" Bakas ang galit sa tono ni Cecille habang hindi makapaniwalang nakatingin sa dalawang lalaking nasa kaniyang harapan.
"Patawad, Ate."
"Pasensiya na."
Pinakalma ng ginang ang sarili habang ang kaniyang asawa, si Ferdinand, ay tila may iniisip. "Hindi niyo man lang nasabi sa kaniya kung sino kayo at kung sino siya?" Kunot-noong tanong nito sa dalawa.
"H-Hindi."
"Anong naisip niyo at hindi niyo sinabi?" Naguguluhang tanong niya na nakakuyom pa rin ang kamao para pigilan ang galit na namumuo mula sa pagkadismaya.
Napayuko si Albert at pinagsaklob ang dalawang kamay. " Bigla-bigla na lang siyang sumulpot sa pintuan ng aking opisina kaya masyado akong nabigla. Hindi ko nagawang mag-isip ng maayos lalo pa at naupo siya sa'king harapan. Hindi ko rin nagawang karkulahin sa oras na 'yon kung makabubuti bang sabihin sa kaniya ang lahat o hindi."
Bumaling naman ang mag-asawa kay Dustin.
Umiwas ng tingin ang binata. "Wala akong lakas ng loob magpakilala. Kung maalala niya ang lahat sa simpleng pagbanggit ko lamang ng aking pangalan ay hindi ko alam kung anong dapat kong gawin."
Napangisi ang ginang na Reverie at humalukipkip. "Takot ka na maalala niya ang nangyari noong gabing 'yon, ano? 'Yong gabing may ginawa kang kalokohan?" Napayuko lamang ito at hindi magawang kontrahin ang kaniyang sinabi. "Sabagay. Sino ba namang hindi mahihiya kung ang nadatnan ng dalagang kinukuha mo ang loob ay nakikipaghalikan ka sa ibang babae?" Tumawa siya ng sarkastiko. "Ang malala pa kamo ay sa kaniyang kaarawan pa. Hindi lang 'yon, ha? Sa kaibigan niya pa." Malamig niyang tiningnan ito. "Ang ginawa mong nagpakawala ng kaniyang kontrol ang dahilan kung ba't wala siya sa'min ngayon."
Tahimik na sinalo ni Dustin ang mga matatalas na salitang natatanggap, ni isang katuwiran ay hindi magawang ibukambibig dahil alam nito sa sariling hindi mali ang mga naririnig.
"Tama na. Mas lalo lang sasama ang pakiramdam mo." Awat ni Ferdinand sa kaniya, matapos ay bumaling sa nakababatang kapatid. "Albert, anong napag-usapan niyong dalawa? Bakit ka niya pinuntahan dito? Anong pakay niya?"
"Tinanong niya kung alam ko raw ba ang lunas sa lorem venenum."
Kumunot ang noo ng panganay na Reverie. "May alam na siya?"
"Mukhang ganoon na nga, Kuya. Idinahilan niyang kaibigan niya ang nakainom at tinanong ako kung anong alam ko tungkol sa lunas ng lason." Tumunghay ito nang may maalala. "May nagsabi rin sa kaniya na sa'kin magtanong tungkol dito."
Napataas ang kilay ni Cecille. "Sino naman daw? Sinong posibleng magbigay sa kaniya ng impormasyon tungkol sa'yo sa puder ng mga Nemesis?"
"Hindi ko naitanong, Ate, ngunit mayroon na 'kong nautusan na mag-imbestiga." Huminga ito ng malalim. "Lalo pa at hindi ko rin magawang isantabi ang kuryosidad sa kung sino mang estrangherong 'yon."
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn