Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Narrator
NAKATANAW siya sa dalaga habang ito'y naiiling dahil sa mga pinaggagagawa ng magkapatid na Celes. Wala sa sarili niyang kinuyom ang kamao nang makitang tumatawa ito nang may kung anong sinasabi ang isa sa magkapatid na nasa teresa ng kanilang bahay.
Bakit sila'y walang problemang nakalalapit sa'yo, Antoinette? Kaagad siyang napatago nang biglang napatingin ito sa kaniyang direksyon! Saka niya lang napansin na nakaligtaan niyang pahupain ang awrang inilalabas ng katawan. Siguradong naramdaman niya ito kaya siya napalingon. Nakita niya kaya ako? Pinatalas niya ang pandinig at nanlaki ang mga mata nang mapagtantong may naglalakad papalapit sa kaniyang puwesto!
"Cloak?" Hindi siya makagalaw, wala na siyang kawala kung sakaling gagamit siya ng mahika dahil walang palyang matutukoy ng dalaga ang kaniyang enerhiya. Napapikit na lang siya at naghintay ng susunod na mangyayari. "Cloak, ikaw ba 'yan-?"
"Luto na ang meryenda! Anak! Anong ginawa mo riyan?!"
Pinigilan pa rin niya ang paghinga kahit na narinig ang pagtigil nito sa paglapit. Sa kabila ng pagtawag ng ginang ay tahimik pa rin ito at hindi gumagalaw, hindi pa rin umaalis. Huwag ka nang lumapit pa.
"Anak! Halika na rito!"
Nagpakawala ang binata ng isang malalim na paghinga nang marinig ang mga yapak ng pagtakbo nito. Hindi pa 'ko handang makipag-usap, Antoinette.
"Aray!" Mabilis siyang sumilip nang marinig ang boses ng dalaga na halatang nasaktan! Kunot-noo niyang tiningnan ang nakababatang Celes na sumangga rito. Anong ginagawa ng lalaking 'yon? Hindi niya ba alam ang pagiging maginoo? Pinigilan niyang sumugod para itulak palayo ang magkapatid. Sa kabila ng kaniyang dinadamang iritasyon ay wala siyang nagawa kun'di ang panoorin lang ang dalawang sumunod papasok sa bahay ni Antoinette.
Gustuhin niya mang gamitin ang kapangyarihan upang marinig kung ano ang nangyayari sa loob, bukod sa delikadong gawin 'yon dahil lima silang magkakasama at hindi imposibleng may makaramdam ng kaniyang awra, ay hindi niya maatim isipin ang ideyang pakikialaman niya na naman ang pribadong buhay ng dalaga. Noong sinubukan niyang kontrolin ang buong pagkatao nito sa pamamagitan ng pagbura sa alaala ay hindi naging maganda ang resulta. Hindi ko na ulit 'yon uulitin kahit kelan.
Tahimik siyang naglakad palayo hanggang sa ligtas na distansiya upang gumamit ng mahika para makauwi. Ito ang madalas niyang senaryo sa araw-araw, tuwing tingin niya ay hindi delikado, susubukan niyang makanakaw ng kahit sulyap lang sa nangyayari kay Antoinette.
Kahit pa kaya niyang panoorin ito mula sa kaniyang silid nang walang kahirap-hirap ay hindi niya rin magawa. Iniisip niya pa lang ang ang posibleng reaksyon ng dalaga kapag nalamang sikreto niyang minamanmanan ang bawat galaw nito ay hindi na siya makahinga. Hindi niya kayang lunukin ang ideyang mas magagalit pa ito sa kaniya.