Narrator
"HINDI pa rin ba nagagawan ng paraan, Ferdinand? Ilang linggo na nating hindi siya nakikita, kahit imahe niya lang ay sapat na sa'kin sa ngayon. Hindi pa rin ba gumagana ang mahika?" Malungkot na pahayag ni Cecille habang sapo-sapo ang noo. "Hindi ko na alam kung anong mga nangyayari sa kaniya. Nag-aalala na 'ko."
"Siguro'y nalaman na ng mga Cabanes na minamanmanan natin siya, dagdag pang nagkita si Royana at ang binibining Scott. Siguradong mas naalerto sila." Buntong-hininga niyang tugon, matapos ay nilingon si Albert. "Nakumbinsi ba ng binatang Bohr na hindi si Royana ang nakita ni Wendy? Kung hindi, kahit papaano ba ay nasabihan niya itong manahimik?" Humalukipkip siya at kumunot ang noo. "Hindi pwedeng maraming makaalam sa nangyari kay Royana at baka pagtuunan siya ng pansin ng mga nasa palasyo."
Tumango si Albert. "Sinabi sa'kin ni Xander na mukhang naniwala naman ang dalagita na nagkamali lang ito, lalo pa raw at hindi ito nakilala ni Royana." Tumikhim ito at sumeryoso ang ekspresyon. "Sa kabilang banda, aking napag-alaman na dadating na si Neil sa susunod na linggo. Lalo tayong mahihirapang kumilos kapag nasa kamay pa rin siya ng mga Cabanes sa panahong 'yon. Mukhang lingid sa kaalaman nito ang ginawang pagsugod ng anak dito sa akademya kaya siguradong hindi rin nito alam na nasa kanila ngayon ang pilak."
Mas lalo sumakit ang ulo ni Ferdinand sa narinig. Kung pati ang indibidwal na 'yon ay dadagdag sa sasagabal... "Paano mo nalaman? May tinanim ka bang espiya sa Krad Academy?"
"Wala. Hindi ko magawang kumilos basta-basta dahil baka kung anong gawin nila sa aking pamangkin kapag nalamang naglakas-loob akong gumawa ng hakbang." Naiiling nitong tugon. "Nagawa ko lang pasukin ng aking awra ang kanilang lugar sandali at nagkataong nag-uusap ang magkapatid nang oras na 'yon. Hindi ko nga lang nagawang magtagal dahil baka masagap ng binatang Cabanes ang aking enerhiya."
Tumango-tango siya. "Huwag mo na ulit susubukan ngayong mas alerto na sila at baka mahuli ka." Hinilot niya ang kaniyang sentido. Kung ako ang papipiliin ay gugustuhin kong masolusyunan ito ng aming anak mag-isa, kaya hangga't hindi delikado ang kaniyang kalagayan ay ayokong mangialam. Ang problema ay si Cecille...
Napansin ng ginang ang kaniyang tingin kaya nagtataka itong tiningnan siya pabalik. "Bakit, Ferdinand?"
"Ayos ka lang ba?" Taimtim niya itong tiningnan sa mga mata at sinuri kung may kakaiba sa ekspresyon nito. "Hindi naman sumasakit ang ulo mo?"
Kumunot ang noo nito. "Anong ibig mong sabihin? Kung ang tinutukoy mo ay ang nangyayari sa ating anak, halata naman sigurong hindi ako ayos at talagang sasakit ang aking ulo."
"Ang ibig kong sabihin ay si Neil." May diin niyang sagot na nagpatahimik dito.
Nagtitigan sila ng ilang segundo at kahit sumilay ang ngiti sa labi nito ay hindi pa rin siya napanatag. Umayos ito ng tayo at tumango. "Ayos lang." Tipid nitong sagot na hindi niya pinaniwalaan, ngunit hindi niya na tinulak pa dahil hindi rin niya gusto ang ideyang maaalala ng asawa ang mga nangyari noon kahit na sandali lang.
BINABASA MO ANG
Inherited
خيال (فانتازيا)EDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn