HUMIKAB ako habang naglalakad papunta sa kwarto namin ni Cloak, marahil ay dahil sa pagod. Ilang araw na ring hindi maganda ang aking tulog.
Susubukan kong hanapin ang gamot sa lorem venenum sa mga libro o papeles. Nagba-baka sakaling doon niya itinago dahil alam niyang hindi naman ako mahilig mangalikot ng kung ano-ano.
Wala ang magkapatid dito sa bahay. Nasa akademya sila at naghahanda para sa programa na mangyayari sa susunod na linggo. Inanunsyo rin ni Cloak na wala munang pasok ngayon at sa mga susunod na araw hanggang sa oras ng programa dahil abala ang mga guro. Kapag pinagpatuloy ang mga klase ay walang magbabantay sa mga estudyante.
Pagkapasok ko sa kwarto ay dumiretso 'ko sa istante ng mga aklat. Magsisimula na sana 'ko nang may napagtanto. Ano nga bang hahanapin ko? Saan ako magsisimula? Nagpakawala ako ng buntong-hininga. Dapat pala'y basahin ko muna sa silid-aklatan at baka nakalagay sa mga librong naroon, o kaya nama'y tanungin si manang kung mayroon siyang ideya.
Palabas na sana 'ko para pumunta ro'n nang bumukas ang pinto. "Cloak." Muntik na 'kong mapaatras ng isang hakbang ngunit pinigilan ko dahil baka mapansin niya 'yon. Ni minsan ay hindi ako nagpakita ng kahit anong pag-aalinlangan sa kaniya, kaya siguradong maninibago siya kung biglaan ko 'yong ipapakita.
"A-Antoinette?" Nanlalaking-mata niya 'kong tiningnan. "Anong ginagawa mo rito?" Bakas ang gulat at pagtataka sa kaniyang mukha. Napansin ko rin ang ekspresyon niyang halatang natuwa na sa wakas ay nagka-tyempuhan kaming magkita.
"Masama bang pumunta sa kwarto natin?" Pilit kong ginawang normal ang tono ng aking pananalita. "May kukuhanin din sana akong libro para basahin."
Tila kinabahan naman siya dahil sa sinabi ko. "H-Hindi naman sa gano'n. Pasensiya na kung iba ang dating ng tanong ko. Madalas ka kasing wala..." Napahinga siya ng malalim at ngumiti ng malungkot. "Anong libro ba?" Malumanay niyang tanong.
Napakuyom ang aking kamao nang mapansin ang pag pigil niya sa gustong sabihin na parang natatakot siyang magkamali ako ng pagkaintindi. Halatang hindi kakayanin ng lalaking ito kahit simpleng tampo ko lang, hindi ko lubos maisip na may masama itong dahilan sa pagsisinungaling saakin.
Dumako ang tingin niya sa aking nakakuyom na kamay kaya kaagad kong kinalas 'yon. Umiling ako sa kaniyang tanong. "Wala. Napag-alaman kong wala rito. Ako'y mauuna na muna at may kailangan lang akong puntahan." Lalagpasan ko na sana siya nang pigilan niya 'ko sa pamamagitan ng paghawak sa'king braso.
"Antoinette..." Humigpit ang hawak niya at ramdam ko ang panginginig ng kaniyang kamay. "I-Iniiwasan mo ba 'ko?"
Naramdaman kong kumirot ang aking dibdib dahil sa itsura niya ngayon. Nanlambot din ako nang mapagtantong hindi niya na 'ko sinubukang pagbawalan sa paglabas nitong mga nakaraang araw kahit pa alam niyang mayroon akong pinupuntahan, na parang ayaw niyang gumawa ng kahit anong maaaring magpainis saakin.
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn