NAKATULALA lang ako sa maleta at kahong nasa tapat na ng pinto. Nilingon ko si Mama na nagluluto sa kusina at kahit pa naaamoy ko hanggang dito ang paborito kong ulam ay hindi ako tinatamaan ng ganang kumain.
Sinabi ko sa kaniyang kahit huwag na magtanghalian at dumiretso na lang kami sa akademya nang mas maaga para matapos na kaagad, dahil mas sumasama lang ang aking loob na nakikita ang mga peke niyang ngiti, ngunit gusto niya raw akong ipagluto dahil baka matagal na ulit ang susunod.
"Anak, luto na. Kain na tayo." Tawag niya sa'kin habang inilalapag ang niluto sa lamesa. "Bilisan na at baka abutan tayo ng dilim sa byahe dahil medyo malayo 'yon mula rito."
Tumayo na 'ko mula sa sopa at lumapit sa hapag-kainan. Tinulungan ko siyang mag-ayos ng mga plato at kubyertos. Matapos 'yon ay sabay kaming umupo sa lamesa.
Napansin kong mas kumapal ang itim sa ilalim ng kaniyang mga mata. Ngumisi ako nang hilaw. "'Ma. Bibigyan kita ng isa pang pagkakataong pigilan ako."
Mabilis naman siyang umiling at mahinang tumawa. "Kapag ginawa ko 'yon ay parehas tayong malalagot, ano."
"Anong ibig mong sabihin?"
Sumandok siya ng kanin at unang nilagyan ang aking plato. "Sa kabila ng mga narinig mo kagabi, mabuti pa rin ang pakay ng Lolo mo. Mas mabuting manatili ka sa akademyang 'yon kaysa sa kahit saan." Nahagip ng aking tingin ang madiin niyang paghawak sa sandok. "Mas huhusay ka ro'n at mas lalago ang iyong kakayahan."
Kumunot ang aking noo at inagaw na ang sandok sa kaniya nang hindi niya matuloy-tuloy ang paglalagay ng kanin sa sarili niyang plato. "Hindi kita maintindihan, 'Ma. Simula pa noon ay hilig niyo nang magsalita sa pamamaraang ang hirap intindihin." Marahan kong ibinaba ang plato ng kanin habang nakatitig pa rin sa kaniyang nanginginig na kamay. "Kunwari pang hindi ka mangungulila, ni pagsandok ng kanin ay hindi mo magawa nang maayos. Dapat ba kitang iwan mag-isa?" Panunuya ko at umupo na.
Ngumiwi naman siya at pabiro akong inirapan. "Ikaw ang hindi ko alam kung mabubuhay kang mag-isa. Marunong kang magluto pero minsan ay pumapalpak ka pa rin. May kainan do'n kaya 'yon na lang ang puntahan mo kaysa makasunog ng gusali o malason ng sarili mong luto." Ganti niyang pangangasar at sinandukan na rin ako ng ulam.
Tango lang ako nang tango habang kinakain ang sinigang na hipon na niluto niya. Kahit pa wala akong gana ay pinakita kong nasasarapan ako sa pagkain. Alam kong hinanda niya 'to dahil ito ang paborito kong ulam.
"Magpakabait ka ro'n, ha? Kung may mga ipagagawa sila sa'yo, hangga't hindi ka naaagrabyado ay gawin mo. Kapag hindi naman patas sa parte mo ay kontrahin mo. Huwag ka ring lalabag sa mga tuntunin dahil baka maparusahan ka."
Nang malunok ko na ang sinubo ay bahagya ko siyang tinuro gamit ang kutsara. "Pag-iisipan ko kung gagawin ko ang iyong bilin, 'Ma. Baka kapag matagalan bago kita makita ay gumawa ako ng kalokohan para ipatawag ka." Sarkastiko kong pahayag at napatigil sa sunod na pagsubo nang napansing seryoso na ang kaniyang ekspresyon. "Bakit? B-Biro lang, 'Ma. Ito naman. Ganoon ba kasama ang ideyang pupunta ka ro'n para makita ako?"
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn