TININGNAN ko ang oras sa'king palapulsuhan at mas lalong nairita nang makitang masyado pang maaga. Kung kelan nakabalik na 'ko sa'king dormitoryo dahil wala na 'kong iniiwasan, saka ako tinawagan nang tinawagan ng Tiyo sa telepono kaya nabulabog ang aking pagtulog. Buong akala ko'y hindi ko muna makikita ang kaniyang mukha ng ilang araw. Kinailangan ko tuloy mag-ayos at magbihis ng uniporme nang mas maaga para didiretso na lang ako sa klase mamaya. Hindi ko pa naman alam kung gaano katagal ang pag-uusap na magaganap.
Nagtuloy-tuloy ako papasok nang hindi kumakatok at kaagad na napatigil nang mapansing hindi lang ako ang ipinatawag niya. Huminga 'ko ng malalim at umupo sa sopa. "Ano ang sasabihin mo, Tiyo?" Diretsahan kong tanong at sinulyapan si Firro na hindi makatingin saakin.
"Sinabi nang bawasan mo ang pagtawag sa'kin ng Tiyo kung may iba tayong kasama. Baka masanay ka." Naiiling nitong sermon nang hindi man lang din ako binibigyan ng tingin at nanatili ang mga mata sa pinakamamahal niyang trabaho.
Tinaas ko ang aking dalawang kilay. "Alam na naman ni Firro, hindi ba?" Katuwiran ko at sumandal sa kinauupuan. "Isa pa, ikaw 'tong nag-anunsyo na parang sabik na sabik kang makilala ako ng lahat at ginawa mo pang paligsahan ang paghanap saakin, Tiyo. Anong pinag-aalala mo?"
Ibinaba niya na ang panulat at sa wakas ay tumunghay na para harapin ako. "Pangbwelo lamang 'yon sa mga estudyante upang hindi sila mabigla sa araw na iaanunsyo kung sino ka, ngunit pinaplano pa ang opisyal na pagpapakilala sa'yo. Wala pang sinasabi sila Ate at Kuya. Kaya huwag ka rin munang masyadong kampante."
Ang mga pinagsasabi niya noon sa auditorium ay para lang ihanda ang mga estudyante? Sana naisipan din nilang sabihan din muna ako kung ganoon. Ako ang nabigla no'ng araw na 'yon dahil bigla-bigla na lang siyang nag-aanunsyo ng aking katauhan sa harap ng lahat.
Tumango-tango na lang ako para tapos na, matapos ay humalukipkip. "Anong dahilan ng pagtawag mo saakin ng ganito kaaga?" Sinulyapan ko ulit si Firro. "May kinalaman ba sa kaniya?"
Ipinatong niya ang baba sa pinagsaklob niyang mga kamay na nakadantay sa lamesa. "Oo. Konektado sa mga sinasabi mo kanina. I-eensayo ka ng binatang Firro."
Kunot-noo ko siyang tiningnan sa narinig, ngunit nanatiling seryoso ang kaniyang ekspresyon na mas lalong nagpagulo saakin. Ano na namang balak nito?
"Para saan?" Napansin kong tumuwid ang pagkakaupo ni Firro nang marinig ang malamig kong tinig. "Anong kinalaman nito sa pinag-uusapan natin kanina?"
Tinuro siya ng Tiyo gamit ang panulat. "Kung tutuusin ay siya ang nanalo sa paligsahang inanunsyo ko. Siya ang pinakaunang nakaalam na ikaw ang Silver Heir."
Sumulyap saakin si Firro ngunit nang makitang nakatingin ako sa kaniya'y kaagad din siyang umiwas. Hindi ko pa rin inaalis ang pagkakunot ng aking noo kay Tiyo na hanggang ngayon ay parang walang problema sa mga sinasabi niya.
Sasagot pa lang sana 'ko nang biglang may kumatok sa pinto. "Albert, mukhang hindi pa naman lumalabas sa ibang paksyon ang tungkol kay Royana-?" Natigil si Xander sa pagpasok at bahagya pang napanganga nang makitang nandito ako.
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn