NANG makapasok na ako'y unti-unting nagsara ang tarangkahan. Sinuri ko ang dalawang tore na mas matangkad pa sa poste ng ilaw, at napansing tig-isang tagabantay ang naroroon. Siguradong isa sa kanila ang nakausap ko sa ispiker bago 'ko napagbuksan.
Yumuko ako nang bahagya para ipakita ang aking pasasalamat, nagbaka sakaling makita nila dahil hindi ko naman magawang sumigaw lalo pa at gabi na. Ibinaling ko na ang aking atensyon sa harap at bahagyang napanganga sa nakita dulot nang pagkamangha. Isa ba ito sa dahilan kung bakit nabanggit ni Mama na kakaiba ang akademyang ito?
Mula sa aking kinatatayuan ay may malaking agwat pa akong kailangan lakarin bago makarating sa apat na malalaking gusali, na ang hula ko ay ang akademya mismo. Ang pwesto ng mga ito ay dalawa sa kaliwa at dalawa sa kanan, habang may maliliit ding mga gusali sa paligid na hiwa-hiwalay.
Isang kakaibang punong nakapwesto sa gitna ang nagnakaw ng aking interes. Nagsimula na 'kong maglakad nang hindi inaalis ang tingin dito. Pilit kong inaalala kung mayroon ba 'kong nabasa sa mga aklat na ganitong klase ng puno ngunit wala akong maisip. Ito ang pinaka-unang beses na nakita ko ito. Disenyong artipisyal lang kaya? Kakaiba ang awrang inilalabas nito at talaga namang nakabibighani na parang inaakit ang kung sinong titingin.
Dumako ang aking mga mata sa isang lalaking tumatakbo papalapit saakin. Tumigil ako sa paglalakad nang mapagtantong ako ang pakay niyang puntahan. Hinihingal siyang tumayo sa'king harap at sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. "M-Maligayang pagdating, Binibining Gabriel." Mukhang nagmadali itong pumunta rito.
"Maaari mong habulin muna ang iyong paghinga." Malumanay kong saad dahil halata namang nahihirapan siyang magsalita. Sinuri ko ang kaniyang suot na uniporme, puting polo na may kahalong asul at ang katerno ay purong asul na pantalon.
Magpapakilala sana ako habang nagpapahinga siya nang aking maalalang binanggit niya ang aking apelyido. Ibig sabihin ay inaasahan niya ang aking pagdating.
Nang mukhang ayos na ang lagay ng binatang mukhang kaedad ko lang ay umayos na siya ng tayo. "Tulungan na kita." Bago pa 'ko makasagot ay kinuha niya na ang maleta sa'king kamay at tanging kahon na lang ang dala ko. "Pasensiya na, ako ang naatasang sunduin ka sa tarangkahan at ihatid sa'yong dormitoryo ngunit nakaligtaan ko ang oras kaya kinailangan kong tumakbo."
"Ayos lang." Nakangiting tipid kong tugon.
Sumenyas siyang magsimula na kaming maglakad kaya ako'y nagpatianod. "Xander Bohr ang aking 'ngalan at isa rin akong estudyante rito."
"Kinagagalak kong makilala ka. Royana Gabriel ang aking 'ngalan." Pakilala ko pa rin kahit mukhang alam na niya. "Salamat din sa pagsalubong. Kahit papaano'y nabawasan ang aking kaba dahil naninibago pa 'ko sa lugar."
Natawa siya nang mahina at pinunasan ang mga butil ng pawis sa noo. "Huwag kang mag-alala, sa mga susunod na araw ay matututo ka ring makibagay."
Inayos niya ang paghawak sa'king maleta, matapos ay inilahad niya ang palad sa direksyon ng apat na gusali na siya namang sinundan ng aking mga mata.
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasíaEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn