Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Narrator
"SINABI ko na sa'yo, Albert. Hindi dapat natin siya hinayaang lumayo sa harang!"
"A-Ang sabi niya'y sa Heriol lang siya mananatili. Hindi ko naman alam kung bakit-?" Huminga ng malalim ang ginoo nang maalala ang nabanggit ni Cecille tungkol sa nangyari sa pagitan ng pamangkin at ng binatang Firro.
"Paano kung hindi natin siya mabawi? Paano kung may gawin sa kaniya ang mga Cabanes? Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nangyari 'yon." Napasapo ito ng noo. "Ito na nga ba ang kinatatakuan ko kaya ayokong bumalik dito. Napagdesisyunan ko na ngang hayaang manatili siya sa mundo ng mahika dahil ang akala ko'y mas ligtas siya rito." Hinilot nito ang sentido. "Ano nga namang laban natin sa mga disidido?"
Napansin niya ang patong-patong na bagong dating na papeles sa kaniyang mesa. Isinantabi niya 'yon at ibinalik ang tingin sa kaniyang Ate na halatang namomroblema. "Tatawagan ko ba si Kuya?"
Napatunghay ang ginang sa narinig, matapos ay dahan-dahang tumango. "Sinubukan ko kanina ngunit hindi siya sumasagot. Kung pwede ay paki-subukan mo ulit. Pakiusap."
Bago pa magawang kuhanin ni Albert ang telepono ay may ginoong nagmamadaling pumasok ng kaniyang opisina. Kaagad naman siyang napatayo. "Kuya."
"Albert." Kunot-noong isinukli nito. "Ba't nagbalik ang mga Cabanes? Akala ko ba'y matagal na silang nawala?" Tumigil ito sa kaniyang harapan. "Matapos ang Heimesis War ay hindi sila natagpuan, hindi ba? Ibig sabihin ba nito'y nakatakas lang sila nang araw na 'yon? Anong kapalpakan ang nangyari?" Malamig na saad ng ginoo na nagpakaba sa kaniya.
Napayuko siya at hindi alam kung ano ang isasagot.
Nilingon ni Ferdinand ang asawang tahimik na umiiyak sa sopa. Lumambot ang kaniyang ekspresyon at lumapit. "Tahan na. Magiging maayos din ang lahat." Hinalikan niya ito sa noo at ibinalik ang tingin sa nakababatang kapatid. "Sagutin mo 'ko."
Napahakbang paatras si Albert dahil sa masamang tingin na natanggap. "H-Hindi ko alam. Nagulat din ako nang sabihin ng Ate na narito ang anak ni Neil. Nang pinatingin ko ang islang pinaghinalaan kung saan sila nakatago, napag-alaman kong wala nang kahit anong enerhiyang nasasagap mula ro'n." Kinagat niya ang ibabang labi. "Natagpuan din ang mga bangkay ng mga kawal na idinestino ko sa lugar. Ang mas nakabibigla ay halatang matagal nang binawian ng buhay ang mga ito."
Napatunghay si Cecille at nanlalaki ang mga mata siyang tininginan. "Ano?" Humiwalay ito sa yakap para harapin siya ng maayos. "Ang ibig mong sabihin ay may kutob kayo kung saan nananatili ang pamilyang 'yon at hindi niyo pinagtuunan ng maayos na seguridad? At ngayon niyo lang natagpuang matagal na silang nakatakas mula sa islang 'yon?"
Lalong siyang napayuko sa kahihiyan. "M-Mukhang gano'n na nga, Ate."
"Anong klase sagot 'yan, Albert? Kelan mo ba huling tiningnan ang kalagayan ng isla?" Iritadong tanong ng kaniyang nakatatandang kapatid.