"ANTOINETTE, hindi ka pa rin ba handa? Masyado ka nang maganda para mag-ayos."
Kalalabas ko lang ng aking silid at napatawa dahil sa inis na narinig sa kaniyang tono. "Nandiyan na, nandiyan na. Ang aga-aga nanenermon ka na kaagad, Cloak."
Nakita kong napailing siya habang hinihintay ako sa baba. Medyo binilisan ko ang aking mga hakbang para hindi na siya mainip dahilan kaya muntik na 'kong mahulog sa hagdan!
"'Yan ang sinasabi ko. Magdahan nga." Kunot-noong sambit nito matapos ako masalo sa kaniyang bisig.
Ngumiti ako ng paumanhin at hinalikan siya sa pisngi. Mabilis na namula ang magkabilang tenga niya na nag napatawa sa'kin. "Ba't ba kasi madaling madali ka?" Tanong ko rito habang inaayos ang suot kong uniporme na medyo nagusot. Ang kombinasyon na kulay nito ay itim at puti na nagustuhan ko kaagad ang dating pagkakita ko sa aming silid na si Cloak ang nagpatahi.
"Ito ang unang araw mo sa akademya, wala naman silang karapatang mag reklamo pero mas mabuti na kung hindi ka mahuhuli." Tumaas ang isa niyang kilay matapos akong suriin. "Bakit ba nag-aayos ka pa? May pinapagandahan ka pa bang iba? Ipinaaalala ko lang sa'yo at baka nakalimutan mo, may asawa ka na." Hindi pa siya nakuntento at pinisil pa ang tungki ng aking ilong!
Kinagat ko ang aking labi para pigilan ang tawa. "Masama bang mag-ayos man lang para hindi ka mapahiya? Baka sabihin nila hindi presentable ang asawa mo." Humalukipkip ako. "At saka nag-aayos ako para sa aking sarili na rin. Hindi lahat ng pagpapaganda naming mga babae ay para lagi sa iba."
Natahimik naman siya at ngumuso na lang, senyales na wala na siyang balak pang kumontra dahil nanalo na naman ako. "Sabagay. Bakit ko nga ba kailangang punahin ang ayos mo? Tatanggalin ko na lang ang mga mata ng mga magtatangkang tumitig sa'yo." Tumango-tango pa siya habang bumubulong sa sarili. Pasaway. Sinulyapan niya ang kaniyang relong suot sa pulso. "Tara na."
Ngumiwi ako. "Akademya naman natin 'yon, bakit kailangan nating mag madali? Isa pa..." Kinurot ko siya sa tagiliran! "Ikaw ang may kasalanan kung bakit nahuli ako sa pag-aayos! Sino 'tong ayaw humiwalay sa yakap kanina paggising?"
"Aray, aray, aray!" Napansin kong gusto niyang hampasin palayo ang kamay na nananakit sa kaniya pero pinipigilan niya ang sarili. Kahit paluin ako ay hindi magawa. "Bitaw na, Antoinette. Masakit." Namamaos niyang pakiusap kaya tinigilan ko na, matapos ay nagpakawala siya ng buntong-hininga. "Hindi por que sa'tin 'yon ay mang-aabuso ka na. Kailangan mong maging isang mabuting halimbawa para sa mga estudyante."
Ginusutan ko na lang siya ng mukha. Nagbibiro lang naman ako. Alam kong kailangan kong ayusin ang aking pagkilos sa oras na lumabas na kami, lalo pa't maraming mga mata ang nakatutok sa akin bilang kaniyang kabiyak.
Napansin kong nakatitig lang siya sa'kin at hindi gumagalaw. "Bakit? Hindi mo pa ba bibigkasin ang mahika?"
Ngumiti siya ng tipid at hinapit ako sa bewang para bigyan ng isa na naman dampi ng halik sa noo. "Hindi ibig sabihin ay pipigilan mo na ang iyong sariling gawin ang mga bagay na iyong ikalilibang. Huwag ka masyadong maging responsable at baka mapagod ka. Ako ang bahala kung may mga magtatangkang magsalita ng negatibo tungkol sa'yo." Bahagya siyang yumuko para tapatan ang lebel ng aking mga mata. "Kaya wala kang dapat ikabahala, Antoinette."
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasyEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn