Narrator
NILIBOT ng binata ang tingin sa paligid. Kung hindi lang dahil sa rason nang pagpunta niya rito ay baka mas mapagtutuunan niya ng atensyon ang ganda ng lugar. Napakaraming puno at bulaklak, pati ang hangin ay napaka-sariwa. Huminga siya ng malalim at umiling-iling para ibalik ang konsentrasyon sa dapat na asikasuhin. Wala 'kang oras para rito, Dustin.
Sa sobrang tinding emosyong naramdaman niya dahil sa usapan nila ng dalawang Celes na siyang sumira sa estado ng pag-iisip niya nitong mga nakaraang araw ay hindi niya na magawang maghintay na lang. Kikilos na 'ko para iligtas si Mama at Dana.
Kung ang pagliligtas lang naman sa kaniyang pamilya ang iisipin ay ginawan na sana niya ng aksyon noon pa, ngunit hindi siya makagalaw basta-basta dahil iniisip niya pa rin ang pwedeng maramdaman ni Misha. Isa pa, naalala niya ang pinakita nitong imahe ng dalawa sa tubig no'ng gabing nag-usap sila. Nakangiti sila Mama at Dana, ibig sabihi'y tinatrato sila ng maayos. Ang pinagtataka ko lang ay bakit hindi nila 'ko hinahanap?
Pinunasan niya ang pawis sa kaniyang noo. Halos magda-dalawang oras na yata siyang naglalakad sa lugar na ito. Sigurado naman siyang hindi siya paikot-ikot lang.
Kung siya lang mag-isa ang kumikilos ay hindi dapat siya makararating dito. Ang lokasyong ito ay hindi niya rin mahanap nang kaniyang sinubukan, marahil ay dahil nilagyan ng mahikang harang ni Misha ang buong lugar at hindi lang ang bahay na tinutuluyan ng dalawa. Nagkataon pang tubig ang kapangyarihan nito, na siyang kabaliktaran ng kaniya. Hindi niya magamit ang mahikang apoy upang mahanap ang lugar kung pinaliligiran ito ng tubig. 'Di bale sana kung mas mahina ang kabilang panig, ngunit parehas silang tagapagmana.
Napabuntong-hininga siya sa naisip. Mabuti na lang ang tinulungan ako ni Albert. Napailing siya nang maalala ang naging pag-uusap nila ng ginoo.
❁ ❁ ❁
NOONG araw na ikinansela niya ang ensayo nilang dalawa ni Royana at dinahilang masama ang kaniyang pakiramdam ay dahil nanggaling siya sa opisina ni Albert.
"Kailangan ko ng tulong." Panimula niya nang makaupo na sa sopa.
"Para saan?" Tumunghay ang ginoo mula sa kaniyang mga papeles. "Anong naisip mo at sa tiyuhin ng babaeng iyong sinaktan ka humihingi ng tulong?" Ngumisi ito at ibinalik na ang atensyon sa trabaho. "Hindi por que ikaw ang inatasan naming mag-ensayo sa kaniya ay ayos na ang lahat. Sadyang ikaw lamang ang maaasahan sa larangan ng apoy."
Bahagya siyang tumungo. "Alam ko. Kung mayroon din akong pagpipilian ay hindi ko kakapalan ng ganito ang aking mukha. Sadyang ikaw lang ang alam kong may kayang hanapin sila."
"Sino?" Tanong nito habang patuloy pa rin sa pagsusulat.
"Ang nanay at kapatid ko."
BINABASA MO ANG
Inherited
FantasiaEDITING. (Silver Heir Trilogy #1) Isang babae na mababago ang takbo ng buhay dahil sa kaniyang minana. || © blooreyn