Nagrereview ako for licensure exams sa may tambayan namin nang biglang dumating yung iba naming tropa kasama si Alex.
Si Alex.
Marinig ko pa lang yung pangalan niya andami ng alaala yung nagpa-flashback sa isipan ko.
Haaay.
Tinakpan ko na lang ng binabasa kong notebook yung mukha ko. Sana di niya ko mapansin.
Kaso kahit di ko siya nakikita, naririnig ko naman yung boses niya. Mabuti pang makaalis na lang dito. Tumayo na ko at dirediretsong umalis sa tambayan.
"Oh Sam! San ka pupunta?" tanong ng isa kong katropa. Hindi na ko lumingon at sumagot.
Naglakad lang ako ng naglakad. Di ko namalayan na nasa labas na pala ako ng campus.
Sandali akong tumigil upang lumingon kung may sumusunod sa akin.
Sinundan niya kaya ako?
Haynako Sam. Akala ko ba ayaw mo na siyang makita? Eh 'bat nag-eexpect ka pa na susundan ka niya? Minsan, di ko talaga maintindihan yung sarili ko.
Lalo na pagdating sa kanya.
Napansin kong may lalaking matangkad at papalapit sa direksyon ko na parang may hinahanap…
Hala! Sumunod nga siya sakin!
Agad-agad akong nagtago upang di nya ko makita. Napangiti ako. Sinundan niya ko.
Ibig sabihin… kahit papano… may pakialam pa rin siya sakin?
Pagkalampas nya sa tinataguan ko… bumalik na ko sa may daan at mabilis na naglakad sa kabilang direksyon. Kaso napansin niya ata ko.
"Samantha!"
Napapikit ako.
Sa lahat ng taong malapit sakin, siya lang ang tumatawag sakin ng Samantha.
Buntong hininga.
Saglit ko siyang nilingon. Nakapayong siya. Nag-uumpisa na kasing umulan. Yung mga mata niya, nagmamakaawang kausapin ko siya.
Subalit… di ko pa rin talaga siya kayang kausapin.
Muli akong tumalikod at nagpatuloy ako sa paglalakad. Nang mapansin kong sumusunod pa rin siya sakin ay tumakbo na ko papasok sa isang kainan.
Umorder ako ng fries at umupo sa isang table. Nagawa ko pang magsawsaw sa catsup. Mayamaya, umupo siya sa katapat kong upuan. May dala rin siyang fries.
Tss. Ang kulit naman neto.
"Ayoko na pala ng fries."
Matapos kong sabihin 'yon ay iniwan ko na siya at pumasok ako sa CR ng kainan upang magtago. Nakakainis naman. Lubayan na niya ko.
Mayamaya may naririnig na akong ilang boses sa labas ng CR. May gagamit na ata. Dahil nakakahiya naman sa kanila, lumabas na rin ako.
Nabigla ako nang paglabas ko sa may CR ay andun siya. Inaantay ako. Nilagpasan ko lang siya at mabilis na pumunta sa may pintuan.
Napansin kong may lagayan pala ng mga sapatos malapit sa may pinto nitong kainan. Gawa kasi sa wood yung floor nila kaya yung mga customers kelangang mag-tsinelas.
Pagtingin ko sa paa ko, magkaibang size pala ng tsinelas yung nasuot ko. Di ko siguro napansin pagpasok kanina dahil sa pagmamadali ko.
Nabigla ako nang lumapit sa akin si Alex at sinabing…
"Nasa 'kin kase yung kapares."
…kapares ko?
Yumuko siya at inalis yung maling tsinelas sa paa ko at sinuot yung tamang kapares na nasa kanya pala.
Jusme. Bakit ginagawa nya to? Akala ko ba tapos na yung samin? Bakit biglang ganto siya ngayon? Nakakainis!
Umagos na yung emosyon sa pagkatao ko. Nanghina na yung tuhod ko at di ko na magawang tumakbo.
Mabilis kong sinuot yung sapatos ko at lumabas na ng kainan. Umupo ako sa may hagdan at yumuko. Umaagos na yung luha ko. Di ko na mapigilan.
Bakit nararamdaman ko pa rin yung sakit? Pero bakit masaya rin ako na andito siya ngayon? Bakit naaapektuhan pa rin ako sa mga ginagawa niya?
Di ko na alam. Ang gulo naman.
Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko. "Bakit ka umiiyak?" tanong niya.
Ayoko siyang sagutin. Di ko rin naman maipapaliwanag ng maayos. Yung mga tanong nga sa sarili ko di ko masagot eh, tanong pa kaya ng iba?
Narinig ko siyang bumuntong hininga. Kainis na mga luha yan. Ayaw tumigil.
"Samantha… di ko rin naman ginusto yung mga nangyari. I know you know the reasons kung bakit ako nawalan ng time sayo at kung bakit kita napabayaan. Kailanman, di ko ginustong saktan ka."
Bakit niya sinasabi 'to ngayon? Bakit bigla siyang nagpapaliwanag sakin? Halos DALAWANG TAON na kaya mula nung natapos yung kung ano mang meron samin. Tapos heto kami ngayon.
Bakit to nangyayari?
"Nalaman ko na lang na isang araw… napagod ka na pala… at nagsawa na sakin. Kahit na mahal kita, nag-let go na lang ako para di ka na masaktan. Lagi ka na lang kasing umiiyak ng dahil sakin."
Nakikinig lang ako sa kanya. Halo-halong emosyon pa rin yung nararamdaman ko.
"Pero kahit na di na tayo nag-uusap… o nagkikita… palagi ko pa ring chinecheck yung posts at tweets mo, at tinignan yung pictures mo. Palagi rin kitang kinakamusta sa mga kaibigan mo."
Talaga?
Madalas ko rin kasing tanungin yung mga kaibigan namin kung kamusta na siya. At minsan sinasabi nila sa 'kin na,"Haynako Sam. Kung alam mo lang."
Alam ko talaga na may alam sila. Ayoko lang alamin. Bakit?
Kasi baka umasa lang ako na may feelings pa sakin si Alex. Na baka magkaron pa rin kami ng happy ending... na alam ko namang malabo na.
Masyado ng magulo. Ayoko ng paasahin at saktan pa ang sarili ko.
Ang alam ko lang ngayon, gumaan yung pakiramdam ko sa sinabi niya. Kahit papano, sapat ng malaman na di niya ko ginustong saktan at kahit wala na kami ay inaalala pa rin niya ko minsan.
Kahit sa mga bagay na yon lang… masaya na ko.
Pinunasan ko na yung mga luha ko. Napansin kong medyo pinagtitinginan na pala kami ng mga taong dumadaan. Jusme. Makagawa naman kasi kami ng eksena.
Tumayo na ko at hinatak si Alex paalis sa may tapat ng kainan. Napabuntong hininga akong muli… as a sign of relief.
Maluwag na sa pakiramdam na matapos ang mahabang panahon, narinig ko na rin yung side niya. Baka ngayon, tuluyan ko ng matanggap na tapos na kami. And hopefully ay magawa ko na sanang mag-move on.
Habang naglalakad na kami pauwi, sandali ko siyang tinignan at sinabi kong,
"Alam mo, siguro, di lang talaga tayo meant to be."
Ngumiti siya sakin at sumagot ng,
"Siguro nga."
Pero…
…bakit ganun?
Parang gusto kong bawiin yung sinabi ko sa kanya.
