Prologo

456 13 0
                                    


~*~

Sinasabing ang mga sinaunang tao na nanahan sa kalupaan ng Pilipinas ay may naunang mga Panginoon.

Ang bawat mahiwagang pangyayaring nagaganap noong unang panahon ay pinaniniwalaang dulot ng mga anito kasama ng pahiwatig kung may dilubyo o biyayang paparating.

Mula sa buhay hanggang sa kamatayan, naniniwala silang mayroong tagapamahala sa lahat ng nangyayari, kasama na ang paniniwalang hanggang sa paghugot ng huling hininga ng mga nilalang, naroroon pa rin sila, nagmamasid at gumagabay.

Ngunit mukhang hindi sa habang panahon...

~*~

1543

Sa isang lugar na kalauna'y tatawaging Davao...


Maririnig ang kaluskos ng mga yabag... palakas nang papalakas habang papalapit nang papalapit. Ang mga tunog ang mistulang nakabulahaw sa mga ibon ng gabi at mga hayop dahilan upang magsilipad at magsitakbo ito sa iba 't-ibang direksyon.


Ilang sandali pa ang lumipas bago tuluyang maglaho ang tunog ng mga iyon.

Muli ay hinaplos muli ng kapayapaan ang buong gubat, tanging ang mahihinang sipol lamang ng hanging malamig tuwing sasapit ang dapit-hapon ang naiwan, ngunit hindi pa rin sapat iyon upang patayin ang tensyon na unti-unting namumuo sa kapaligiran.


Sa isang dako 'y isang pulutong ng mga tao ang paparating. Nakasuot ito ng mga kasuotang pawang nabibilang sa isang etnikong tribo dahil sa mga nakaguhit na disenyo sa katawan at kanilang pananamit. Buhat ng mga kalalakihan na nasa unahan ng pulutong ang limang banig na nakarolyo na may kawayang nakabigkis.


Aakalaing ang mga ito'y ordinaryong rolyo lamang ng mga banig at kawayan para gamiting pahingahan, ngunit mapapansing ang mga taong kasunod ng naunang pulutong ay may dalang instrumento habang tahimik lamang na nagmamasid sa paligid.

Hindi nagtagal at huminto ang mga ito sa bahaging ang lupa ay hindi na mamumukhaan bilang lupa dahil sa naglalakihang mga ugat ng mga punong matayog na nakatayo roon. Kapagdaka'y sinimulan na ng mga kalalakihan na umakyat sa puno habang pasan sa likod ang mga bigkis.


Hindi sinasadyang namali ng hakbang ang isa kung kaya 't nabitiwan nito ang pasan. Bumagsak ang bigkis sa lupa at natanggal ito sa pagkakarolyo. 


Tumambad sa kanila ang bangkay na nasa loob ng rolyo. Aligagang lumapit ang mga tao na nasa ibaba upang irolyo itong muli dahil nagsisimula nang umalingasaw ang amoy nito. Sunod namang bumaba ang lalaking nakahulog dito upang i-akyat itong muli.


Tagumpay namang naitali ang mga bangkay sa puno bilang paglilibing sa mga ito. Pagkatapos noon ay bumaba na ang mga Ata-Manobo sa puno at akmang lilisan. Sa huli'y isang malalim na titig lang ang itinapon ng lupon sa puno.


Tumalikod na ang isa sa kanila kaya't sumunod na ang iba na nagbabalak nang lisanin ang pook.


Ang paraan ng kanilang paglilibing ay nagsilbi na ring tradisyon sa mahabang panahon. Walang kasiguruhan kung ano nga ba ang kahihinatnan ng mga namayapa.


Lubos lamang silang naniniwala na ang mga anito na ang bahala sa kanila sa kabilang-buhay, at ang mga ito lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa kabilang banda.


Sa di kalayuan ay pinapanood lamang sila ng isang pigura na nakaupo sa malaking sanga sa isa sa mga puno. Mukha namang napansin ng mga lalaking nakatayo roon ang presensya ng pigura kaya agad nila itong nilingon.


Sa kanilang paglingon ay hindi namataan ng kanilang mga mata ang anyo ng pigura kung kaya 't ipinagkibit-balikat na lamang ng mga ito ang kanilang naramdaman sa pag-aakalang guni-guni lamang ito.


Maraming beses na nilang nakikita ang pigurang iyon na nagmamasid sa kanila kapag ginagawa nila ang kanilang tradisyon, ngunit hindi na lamang nila pinapansin dahil sa hindi rin naman ito nanggugulo sa kanila. Anila 'y hindi dapat nila ito gambalain at baka sila 'y sumpain nito.


May isang beses na nakita ng isa nilang ka-tribo na mayroon daw na anino ng isang babae ang gumagala-gala sa gubat ngunit walang kumpirmasyon kung ano nga ba talaga iyon. Sabi naman ng iilan, ito 'y nasa pigura ng isang matanda. May iilan namang nakapagsabi na iyon ay pigura ng isang bata.


Nang tuluyan na silang makaalis ay noon pa lamang lumitaw ang anyo ng nasabing pigura.



Isa iyong babae na natatakpan ng salakot ang mga mata. Nakabihis ito ng pulang tapis na may burdang disenyo at abot-tuhod ang haba. Kapares nito ang pulang pang-ibabaw na walang manggas. Bukas ang harapan nito na siya namang nagsisilbing pangdoble sa hapit na puting damit na hanggang pang-itaas na braso lang ang manggas. Kayumanggi ang balat nito gayundin ang kanyang buhok na hanggang balikat ang haba. Kung titingnan ay nasa labing-walong anyos ang dalaga base sa kanyang anyo.


Puno ng mga benda ang buong katawan nito bunga ng malalaking at sariwang sugat na nakaukit na sa kanya.


Nanatili lamang siyang nakabaling sa mga bangkay na nakasabit. Itinaas niya ang kaniyang kamay, dahilan upang lumabas ang mga kaluluwa sa mga bigkis. Naisin man niyang ihatid ang mga ito ay hindi sapat ang kaniyang kapangyarihan sapagkat wala na siyang lakas upang gawin iyon. 

Wala siyang kakayahan maski bumalik sa kanyang totoong tahanan.

Sa mga mata ng babaeng iyong pilit na may inaaninag ang paningin mula sa maliliit na butas ng salakot sa kaniyang ulo, naninipat na para bang mayroong mali.


Sa isip-isip niya'y dapat ay may mga Sundo na nandito sa lugar upang ihatid ang namayapa


Ilang sandali pa ang lumipas ngunit naroroon pa rin ang mga kaluluwa na nagsisimula na ring maguluhan sa kung anong nangyayari.

Mula sa kalangitan, isang lupon ng mga uwak ang lumipad pababa sa lugar na kinaroroonan ng babae at ng iba pa. Ang ilan sa mga iyon ay dumapo sa mga katawan na nakapaloob sa mga rolyo ng banig at kawayan ngunit hindi tumutuka sa mga laman ng mga ito.

Ilan din naman sa mga iyon ay dumapo sa balikat, salakot at sa hintuturo ng babae.

Tiningnan ng babaeng iyon ang likod ng kanyang sariling kanang kamay at nakita ang paglitaw ng naka-ukit na baybayin na nagsisilbing marka ng mga Sundo.

Ang salitang 'kamatayan'.

---


Agad siyang tumalon pababa ng puno at naglakad palapit sa mga kaluluwa na mukhang napansin ang presensya niya.


"Ikaw ba ang may gawa nito?" pagkakaintindi niya sa tanong ng mga lalaking nagsalita sa diyalekto ng Ata-Manobo na pilit binubugaw ang mga uwak na nakadapo sa kanilang mga dating katawan.

Pumitik lamang ng daliri ang babae ngunit tila ba isa na itong senyales sa mga uwak, dahilan para lumayo ang mga ito.

Napagtanto niyang hindi pa nawawala ang kapangyarihan niya na mag-utos sa mga uwak.


Hahaplusin na sana niya ang mga kaluluwa ngunit walang anu-ano 'y napawi sa buhangin ang mga iyon, at naging mga dahon na lanta na siya ring tinangay ng malakas na hangin papunta sa isang pamilyar na direksyon para sa kanya.


Akmang susundan pa niya ang mga ito dahil maaaring ito ang maging gabay kung paano siya makakauwi sa kanyang tahanan ngunit hindi niya nagawa. Umalingawngaw sa kanyang tainga ang isang huning animo'y sumisira sa kanyang pandinig, papahina nang papahina, tila ba isang oyayi na sanhi upang siya 'y dalawin ng antok.. hanggang sa siya'y mahimbing.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon