~*~Sa Kahanginan...
Nabalot ng pagkagitla ang lahat ng Sundo. Tila ba may malakas na hangin na dumaan dahilan upang lahat sila'y matigilan.
Halos lahat sila'y napatingala sa kalangitan. May lumuhod sa lupa kasabay ng pagbuhos ng kanilang luha, ang iba nama'y humangos upang ipakalat ang balita.
"Gaya ng inaasahan." anas ni Corazon sa kaniyang tauhan. "Winasak na niya ang kaniyang sumpa."
Katatapos pa lamang nilang sunugin ang lahat ng bangkay ng mga Ursula na kanilang natipon. Isinasaboy na lamang nila ang abo ng mga ito sa kagubatan.
"Hik!"
"Marahil ay ngayon pa lamang sumiklab sa kanila ang gunitang iyon." sambit ni Khalil.
'Ngayo'y naiintindihan ko na kung bakit hinihiling ni Ayen na hindi siya makalimutan.' saad niya sa kaniyang sarili.
'Nakabakas na sa kalooban ni Ayen ang pakiramdam ng makalimutan dahil sa kaniyang nasaksihan noon, sa kabila ng itinakdang pagkalimot ng lahat sa Sundong iyon, kabilang siya.' aniya pa.
"Ang nangyaring ito ang magsisilbing hudyat ng ating pagbalik sa Sanaa habang hindi pa tuluyang natatapos ang araw na ito. Asahan din ninyo ang pangyayari ng mga bagay na magaganap!" senyas ni Corazon.
Sa kanilang paglabas sa tarangkahan ng Kahanginan, hinarang sila nina Kubot at Bentonghangin.
"Hindi ba ninyo alam na kayo'y ipinagbabawal na sa lupaing ito?" tanong ni Kubot.
"Walang batas ang makakapigil sa amin upang isakatuparan ang aming mga tungkulin." malamig na tugon ni Corazon.
"Akala niyo ba'y..hik!..hindi namin alam na bukas ang inyong mata bilang panakot nitong mga nagdaang panahon ngunit ang diwa ninyo'y natutulog?..hik!" sabat naman ni Abbara. "Kayo'y nangagising lamang nang mawasak sa araw na ito ang sumpa."
"Wala kaming alam sa sinasabi ninyo!" giit ni Bentonghangin. "Walang katotohanan ang inyong mga paratang!"
"Oh? Dapat ba naming ibalita sa kaniya na itinatanggi ninyo siya at ang kaugnayan ninyo sa kaniya?" pang-u-udyok ni Khalil.
Nagtiim ang bagang ng dalawang bantay, hindi matanggap na kailangan nilang pakawalan ang hinarang na angkan.
"Tatandaan namin ito.." madiin nilang banta habang pinapanood ang paglisan ng mga Claveria sa Kahanginan.
"Ano na ang susunod na hakbang na ating gagawin sa ating pagbalik sa Sanaa, pinuno?" tanong ni Khalil habang tinitipon ang mga naglalakihang uwak.
Tinanggal muli ni Corazon ang telang nakatapal sa kaniyang mga palad. Bumungad agad sa kaniyang paningin ang pulseras na mayroong isang mata bilang palawit; ang mata mula sa isang Palasekan.
Pumikit si Corazon na siya namang ikinakinang ng matang nasa pulseras.
Ilang sandali pa'y muli siyang nagdilat."Nagaganap na sa Sanaa ang simula ng pagkasira ng balanse ng buhay at kamatayan. Kailangan natin itong pigilan bilang pagtanaw ng utang na loob sa kaniya." wika niya at pinalipad ang malalaking uwak.
Sa sandaling pumagaspas na ang mga pakpak ng mga ito sa kalangita'y wala na rin ang mga Claveria.
***
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...