~*~Mortem Claveria
"Paano na tayo papasok ngayon?" tanong ni Jack habang sinusundot at sinusubukang ipasok ang kamay lagpas sa arko ngunit tumatama lamang ito sa isang hindi-nakikitang harang.
Napakaraming matatayog na tore ang nakatayo roon. Ang mga kulay nito'y naglalaro lamang sa pagitan ng itim at ginto.
Makikita rin ang di-magkamayaw na mga engkanto at mga residente sa daanan. Masiyado nang madilim ngunit mukhang ngayon pa lamang magsisimula ang kanilang araw.
Sari-saring uri ng mga engkanto ang nagliliwaliw doon. Iba-ibang itsura, iba't-ibang lahi, ngunit namumuhay na para bang isa lamang silang malaking pamilya.
"Ang pinakamainam ay maghintay tayo kung may paparating mula rito sa labas. Titingnan natin kung tayo'y makapupuslit kung didikit tayo sa mga iyon." mungkahi ni Kaizer.
"Mabuti pa nga," sagot ko. "Ngunit bago iyon ay kailangan nating maghanap ng mga kasuotang magkukubli sa ating pagkakakilanlan bilang mga Sundo."
Sumang-ayon naman sila kung kaya't naghanap kami ng maaaring ipantapal sa marka na nasa aming braso.
Sakto namang pagbalik namin ay may mga engkantong pumapasok sa Biringan.
Mabilis akong humawak sa damit ng isa sa mga residenteng papasok ngunit siniguro kong hindi niya mapapansin na ako'y nakakapit sa kaniya. Ganoon din ang ginawa nila Kaizer na nauna nang pumasok.
Kailangan kong maging maingat dahil nakikita ng mga engkanto ang mga Sundo kahit na wala pa ang hudyat ng kamatayan ng mga ito.
Hindi pa man ako tuluyang nakapapasok sa may arko ay napigil ang pagpasok ko. Parang may kung anong puwersa na tumutulak sa akin palabas nito. Binitiwan ko muna ang damit na aking hinawakan kanina at hinayaan na tuluyang makapasok ang residente.
Mukhang napansin nila Jack na hindi pa ako nakasusunod sa kanila. Binalikan nila ako upang tingnan kung anong nangyari.
"Bakit hindi ka pa pumasok?" tanong ni Kaizer.
"Hindi sa ayaw niya, inutil. Hindi siya makapasok." sagot sa kaniya ni Jack.
Umatras ako at mabilis na sumugod sa harang ngunit hindi pa rin ako makapasok.
Sinubukan kong ulit-ulitin ang pagsugod ngunit walang nangyayari. Halos matanggal na ang balabal na aking suot dahil sa aking ginagawa.
Huminga ako ng malalim at akmang maglalakad muli papunta roon nang mapansin kong umiilaw ang aking agimat.
Mukhang ito ang pumipigil sa akin sa pagpasok, ngunit hindi ko naman ito maaaring tanggalin sa akin dahil hindi ko alam kung kailan ko ito kakailanganin.
Napatampal na lamang ng noo si Jack nang makita ang agimat. "Kailangan mong iwan iyan."
Umiling ako. Maaaring may iba pang paraan upang makapasok. Pumunit ako ng bahagya sa balabal kong gawa sa dayami at sinubukang ibalot ang agimat doon.
Sa pangalawang pagkakataon naman ay may dumaan muling residente na papasok pa lamang kung kaya't sumabit ako rito. Nang sinubukan ko ulit ay tuluyan na akong nakapasok. Isinilid ko naman ang nakarolyong dayami sa ibabaw ng aking ulo at isinuot muli ang aking salakot.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...