~*~Mortem Claveria
"MAGHUYOP!"
Sa kabila ng pamimilipit niya sa sakit, pinili pa rin niyang labanan si Sitan.
Hindi mo kaya, Maghuyop..
Masiyado siyang malakas para sa iyo.
"Kamangha-mangha ang kaniyang katapangan, nararapat para sa isang magiting na mandirigma." puri pa ng aking kasama.
Nabigla ako sa kaniyang sinabi, ngunit hindi ko sukat-akalain na mayroon siyang alam na papuri.
Desperado kong idinikit muli sa bilog ang kuwintas, ngunit patuloy lamang ito sa pagpapatalsik sa akin sa loob.
Pakiusap..
Pakiusap..
"Iniisip mo ba talagang sapat na ang iyong agimat upang wasakin ang bilog na ito?" tanong pa ng aking kasama.
Hindi ko siya sinagot at bagkus ay nagpatuloy lamang sa aking ginagawa.
Kailangan kong makalabas dito. Kailangan kong mapigilan ang nangyayaring ito. Kailangan kong gawin ang sa tingin kong nararapat bago mahuli ang lahat.
Hintayin mo lamang ako, Maghuyop..
"Ang iyong agimat ay mayroon lamang kakayahan upang pabagalin ang lahat at tanggalin ang presensiya ng isang bagay; mga katangian na taglay ng isang bato. Walang paraan upang magamit mo iyan laban sa depensa." pahayag pa niya.
Naiinis na ako nang siya'y lingunin ko. "Hindi mo ako dapat pakialamana—"
Hindi ko na tinapos ang aking sasabihin nang mapansin ang isang bagay na nasa kaniya.
Sinugod ko siya at kinwelyuhan. Bakas sa kaniyang mukha na hindi niya inasahan ang aking ginawa at bago pa man niya mahulaan ang aking susunod na galaw, naglapag ako ng suntok sa kaniyang mukha.
Akmang gaganti na siya gamit ang kaniyang kamay ngunit agad akong nakalayo sa kaniya.
Sa kumpas ng kaniyang daliri, nabuo sa paligid ng bilog ang napakaraming tinik.
Sabay-sabay na humapdi ang lahat ng parte ng aking katawan na tinamaan ng tinik ngunit hindi ako nagpatinag at agad na iwinasiwas sa aking kamay ang budyong.
Alam kong ito ang budyong na pagmamay-ari ni Sinogo, at siya ring ginamit laban sa akin sa Sanaa.
Kinapa-kapa niya ang kaniyang bulsa at tila ba namutla ang mukha nang mapansing wala na roon ang kaniyang hinahanap.
Bakas sa kaniyang mukha ang sindak ngunit agad din siyang nakabawi. Gumuhit sa kaniyang mga palad ang napakaraming mga itim na nilalang at dahil doon ay nawala na ang kaniyang mga sugat.
Pumalibot ito sa kaniya at sa isang iglap na humiwalay ito sa kaniya ay hindi na ang katawan ni Haring Kusog ang aking nakikita, kundi isa pang ako.
Hinawakan ko ang budyong at hinipan iyon ng tatlong beses.
Sa loob ng maiksing sandali, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na wala na sa loob ng isang bilog.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...