Kabanata 90

14 2 0
                                    

~*~

Mortem Claveria

Hindi na masama ang pananatili ko rito sa Sulad pagkat nakahanap ako ng gagawin. Hindi pa rin naaalis ang aking tingin sa marka ni Magwayen sa aking kamay.

Makakaasa kang hindi mapupunta sa wala ang iyong mga pinaghirapan, Magwayen.

"Naibalik mo na ba siya sa Kamaritaan?" tanong ni Ruela na katatayo pa lamang mula sa pagkakasalampak.

"Oo, magkasama na sila ni Keizerin doon. Maaari na silang magsimula ulit." wika ko at sinulyapan ang mga durog na piraso ng budyong na nasa sahig.

Ito rin ang bagong simula para sa akin.

"Mukhang ganoon din ang mangyayari sa amin." napatingin ako kay Ruela na ginawaran ako ng maluwag na ngiti.

"Aalis na agad kayo?" tanong ko sa kanila.

"Wala naman na kaming gagawin dito. Isa pa, magagalit ang mga diyos kapag nalaman nilang may mga buhay na nanloloob sa kanilang teritoryo." dahilan niya.

Ayoko pa sana silang paalisin, ngunit mukhang kailangan na talaga.

"Kung ganoon, mag-iingat kayo." wika ko at akmang lalapit sa kaniya ngunit inunahan na ako nilang tatlo kasabay ng pagbibigay sa akin ng mahigpit na yakap.

"Hindi mo na kailangang sabihin iyan. Mag-iingat kami palagi. Ikaw ang dapat mag-ingat dito dahil bago ka pa lamang." pangaral ni Ruela at lalo pang hinigpitan ang yakap.

"Maaari mo pa rin kaming bisitahin, pero sana huwag kung kailan na nasa bingit na kami ng kamatayan." pabirong dagdag niya at pinunasan ang namumula niyang ilong.

Humiwalay na sila sa yakap at nagbilin ng napakaraming bilin na hindi ko alam kung magagawa ko bang tandaan lahat. Nagpasiya akong ihatid ang aking mga kasama hanggang sa daungan.

"Huwag ka na ulit gagawa ng mga pasiyang nangangailangan ng pagtaya mo sa iyong buhay." wika pa ni Ruela nang makasakay na sila sa bangka.

Akmang sasampa na si Maghuyop ngunit agad ko siyang pinigilan. Nagtataka naman siyang tumingin sa akin.

"Gusto kong magpasalamat sa iyong naitulong, Meylupa." wika ko at ia-abot na sana pabalik sa kaniya ang karit ngunit marahan niya itong tinabig pabalik.

"Sa iyo na iyan." seryosong wika niya at ngumiti. "Baka magamit mo pa sa iyong mga susunod na laban."

May kung anong kakaiba sa kaniyang pananalita. Tila ba hindi si Maghuyop ang aking kausap.

"Kung nagtataka ka kung sino ang iyong kausap, wala kang dapat ipag-alala. Napagpasiyahan ni Maghuyop na pag-isahin ang aming sarili upang hindi na mahati at magkaroon ng kaguluhan pa tungkol sa katawang ito." paliwanag niya na para bang naiintindihan niya ang aking iniisip.

Ganoon ba?

"Mag-iingat kayo patungo sa Kahanginan." pagpapala ko sa kanila.

Bakas ang pagkabigla sa kanilang mga mata habang nakatingin sa akin. Mayroon ba akong nasabing mali?

"Paumanhin, ngunit hindi na kami tutuloy sa Kahanginan." wika nilang tatlo.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon