Kabanata 64

42 2 0
                                    


~*~

Mortem Claveria


Nang masiguro ko na wala na akong nakalimutang sabihin, tumalikod na akong muli upang sumama kina Sitan.


Nagbukas ng isang malaking hukay si Manggagaway at akmang papasok na roon.

Pare-pareho kaming natigilan nang dumaan sa amin ang napakaraming karayom mula sa likod, dahilan upang sumara ang butas.


"Wala akong natatandaang pumayag kami na iparating ang mga salitang iyon sa kaniya." matigas na wika ni Abbara. Tumungga siya sa kaniyang bumbong at itinapon ito pagkatapos. Pinahiran niya ang kaniyang labi gamit ang kaniyang braso at matalim na tumingin sa amin.


"Hindi mo kami utusan. Kung may gusto kang sabihin sa iyong ina, sabihin mo iyon nang harapan sa kaniya." aniya.



"Wala rin kaming natatandaang pumayag kami na sumama ka sa kanila." dugtong pa ni Dalugdog.


Napuno naman ng pagsang-ayon ang paligid mula sa mga Claveria. Bawat isa sa kanila'y nagpupumilit na huwag akong umalis.


"Hmm, kung gayon, pinipili niyong salungatin muli ang isang diyos?" tila ba nainsultong tugon ni Sitan.

Isang malamig na kamay ang naramdaman kong humawak sa aking balikat at alam kong mula iyon sa kaniya.


"Wala kaming tinitingalang diyos noong una pa lang." tugon naman ni Dalugdog.




"Paumanhin, ngunit sinusubukan ko lamang makipagkasundo ng ayos dito, dahil ayoko nang gumawa pa ng gulo. Ngunit mukhang kayo pa ang naghahanap ng paraan upang sumiklab ang kaguluhan dito sa Kahanginan."



Bumaon sa aking balikat ang kaniyang mga kuko dahilan para ako'y mapangiwi sa sakit.


Habang nagtatagal, unti-unting umiinit ang kaniyang mga palad na nakalapat sa aking balat, tila ba tinutupok iyon.

"Ayen!" tawag ni Maghuyop.

Sumenyas ako sa kaniya na huwag lalapit ngunit huli na nang mapagtanto kong wala na si Abbara at Dalugdog sa kanilang kinatatayuan.





Isang malakas na pagsabog na lamang ang aking narinig sa aking likuran. Mabilis akong kumalas sa pagkakahawak ni Sitan at nasaksihan kung paanong umabot sa kalangitan ang mga naglalaban.



"MARIAAA!" nakapupunit-lalamunang sigaw ni Abbara habang pinauulanan ng atake ang alagad.


Kaharap naman ni Dalugdog si Manggagaway na nagsisimula na ring magharap sa di-kalayuan.



Akmang pipigilan kong muli si Maghuyop ngunit huli na nang mapansin ko ang nakabukas na espasyong nakatambad sa akin. Iniluwa nito ang papasipang paa ni Maghuyop na agad na lumihis sa akin at tumungo sa kinatatayuan ni Sitan.



"Maghuyop!" sigaw ko.


Lumikha ito ng malakas na puwersa ngunit naharang ng braso ni Sitan.



Dumaloy muli ang kilabot sa aking buong katawan nang matanawan kong ngumisi ng mas malawak si Sitan.



"Sitan! Huwag mo na silang saktan! Nanalo ka na! Sasama na ako sa inyo!" pangungumbinsi ko sa kaniya.


Ihinaya niya ang isa niyang braso at itinapat ang palad sa akin. Mula rito ay nabuo ang isang malaki at itim na bilog na pumalibot sa akin. Hindi nagtagal ay unti-unti akong inangat ng bilog paangat sa lupa.



Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon