~*~Mortem Claveria
"Nakikita kong patuloy ka pa ring lumalaban." aniya at hindi ako binabalingan ng tingin.
Pinahid ko ang luha sa aking mga mata. "Nagkakamali ka. Patuloy ko lamang na tinatakbuhan ang aking mga pagkakamali.." nag-angat ako ng tingin at tiningnan ang kaniyang nakatalikod na pigura, "..Haring Kusog."
"Hindi mo tinatakbuhan ang iyong pagkakamali kung inaamin mo sa iyong sarili na ang iyong mga nagawa ay pagkakamali. Isa pa, wala nang dahilan upang tawaging Hari ang isang gaya ko."
Umatake na naman si Kaizer at sinubukang suwagin ang Hari. Sa kabila noon, nanatili lamang siyang nakatayo at hindi gumagalaw.. ngunit sa isang iglap, tila ba nabahag ang buntot ni Kaizer at umatras palayo sa kaniya.
Huminga ng malalim ang Hari. "Nais kong tumupad sa nangyaring kasunduan noon nang ika'y mahatulan, ngunit hindi ko talaga matiis na manghimasok muli sa aking dating karapatan."
Halos malaglag ang aking panga sa sahig nang bumalik sa aking gunita ang nangyari sa kasunduan.
"..Hinihiling kong ang parusa ng batang ito ay mailipat sa akin."
Umugong ang bulong-bulungan sa pagitan ng mga saksi. Ang ilan sa kanila'y iginiit na dapat akong maparusahan, ngunit ako'y naiwang walang imik sa kaniyang sinabi pagkat hindi ko maintindihan ang kaniyang mga kinikilos.
"A-Akala ko ba'y ang pagpatay ay pagpatay? Hindi kita maintindihan!"
sa wakas ay nagawa ko ring magsalita."Sinabi ko nga iyon, ngunit wala akong natatandaang sinabi ko na dapat mong panagutan ang isang bagay na hindi ikaw ang gumawa." saad niya.
"Bakit?" tuluyang nanghina ang aking tinig. "Bakit mo ginagawa ito?"
"Anong saysay ng aking katayuan bilang Hari kung maski ang isang batang walang kasalanan ay hindi ko magawang ipagtanggol?"
Hindi ako makapaniwalang siya ang Hari ng mga Sundo, ang haring sinasabing mahilig magpataw ng parusa sa kaniyang nasasakupan.
"P-Paano mo nasabing wala akong kasalanan?" halos pumiyok na ako nang lalo ko pang hininaan ang aking tinig.
"Naroroon ako, at nakita ko ang lahat ng nangyari. Ang katawan mo ang pumaslang sa iyong Ama, ngunit nasisiguro kong hindi ikaw ang nasa iyong sarili noong mga panahong iyon. Naisin ko mang pigilan ang nangyayari ay hindi ko magawa sapagkat ang puwersang sumubok na kontrolin ang iyong kapangyarihan sa hindi mo kagustuhan ay hindi arok ng aking kakayahan. Kaya't ipagpaumanhin mo kung ikinasakit ng iyong puso ang mga sinabi ko sa'yo noon, nais ko lamang makita kung nananatili pa rin ba ang katapatan at katapangan sa puso ng susunod na mga mamumuno sa lahi ng mga Sundo."
Puwersang isinailalim ang aking kapangyarihan sa kanilang mga kamay? Hindi kaya.. iyon ang gawa ng anino?
"Hindi maaari. Tinututulan ko ang —"
Lalong natigilan ang lahat nang lumuhod ang hari sa kanilang harapan. "Ipagpaumanhin ninyo ang aking kalapastangan, ngunit hindi ko maaaring hayaan na panagutan ng bata ang isang kasamaang hindi naman niya ninais na magawa, naniniwala akong ang dapat panagutin dito ay ako, na kung hindi dahil sa aking kapabayaan ay hindi sana nangyari, at ang nanamantala sa kakayahan ng batang ito, si Sitan, kapalit ng kasunduan nila ng ama ng bata na pagpapalain ito ng hindi pangkaraniwang kapangyarihan."
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...