~*~Ruela Valderama
Alam kong mangyayari ito.
Alam ko.. na mula sa sandaling lumapat ang aking mga paa sa Biringan sa unang pagkakataon hanggang sa sandaling tinanggap ko ang alok nilang kulay-itim na kanin, wala nang paraan pa upang makalabas ako sa impyernong ito.
Ito ang sumpa na tataglayin ng sino mang magtatangkang hanapin ang lugar na ito sa pag-a-akalang ito'y isang paraiso.
Sa kabila noon, pinilit ko pa ring tanggapin ang kanilang alok upang maisagawa ko ang aking mga plano.
Iyon ay dahil hindi ko alam.. na magkakaroon ng pagkakataon sa hinaharap na nanaisin kong lumabas muli sa maliit na mundong pinili kong kabilangan.
Ang tanging naiisip ko lamang noon ay makapaghiganti. Ni hindi ko na inisip kung anong mangyayari sa akin.
"MAMA!"
"RUELA!"
Pilit kong ini-abot ang aking kamay sa kanila kahit na unti-unti nang lumalaki ang distansya namin sa isa't-isa.
Tinangka itong abutin ni Ayen, ngunit paulit-ulit lamang siyang nabibigo.
Bigla na lamang akong natigilan nang walang pag-a-alinlangang siya'y tumalon pababa mula sa uwak.
"AYEN!" tawag sa kaniya nina Maghuyop.
Nagtama ang paningin namin ng babaeng tinatawag nilang Abbara. Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin at walang anu-ano'y pinaharurot niya pataas ang uwak.
Sa kalagitnaan ng pagpapaharurot niya ay iniliko niya pabalik sa akin ang uwak.
"HOY! HINDI BA'T ISA KANG BABAYLAN?!" sigaw niya sa akin. "HIGIT PA RITO ANG KAYA NINYONG GAWIN, HINDI BA'T IYON ANG INYONG PALAGING IPINAGMAMALAKI?"
Anong ibig niyang sabihin?
Kahit pa siya'y tinataboy palayo ng sinasalubong niyang malakas na hangin, hindi siya nagpatinag at binunot sa balat ng hayop na nakapalupot sa kaniyang braso ang napakaraming karayom.
"ALAM KONG NAKIKITA MO KUNG ANONG NAKIKITA KO!" sigaw pa niya at ihinaya ang kaniyang mga karayom sa akin.
Huh?
Sa pagkakarinig ng kaniyang mga huling sinabi, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nasasaksihang muli ang mga sinulid na noo'y nakikita ko sa palasyo.
Napakarami ng mga ito. Bawat hibla ay lumilikha ng napakaraming kakaibang tunog. Karamihan ay may may kaluwangan at ang iba nama'y masiyadong mahigpit na nakaugnay sa mga nabubuhay na nilalang.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga ito o kung may hangganan ba ang bawat hibla.
Ang alam ko lang, ito ang mga sinulid na nag-uugnay sa isang nilalang tungo sa kaniyang kapwa.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasíaMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...