~*~Jack Claveria
Hindi pa man matagal mula noong humiwalay kami ay Mortem ay ramdam ko nang may masamang nangyayari.
Mula nang tumapak kaming tatlo rito ay puno na ng di-kapalagayan ang kalooban ko. Ang akala ko'y guni-guni ko lamang iyon, ngunit sa pagtindi ng nararamdaman ko, napatunayan kong ang hinala ko'y totoo.
"Tugisin ang mga pangahas!" utos ng pinuno ng mga bantay.
Binilisan pa namin lalo ang pagkaripas ng takbo nang marinig ang mabibigat na yabag na humahabol sa amin.
"Bakit ba kase nila tayo natagpuan agad?" tanong ng inutil.
"Ikaw ang may sala kung bakit tinutugis nila tayo ngayon!" sigaw ko pabalik sa kaniya, "Kung hindi mo ipinagsigawan ang plano natin na halughugin ang palasyo, hindi sana tayo naririto sa ganitong kalagayan!"
"Ako pa talaga ang may kasalanan? Ikaw itong nagnanais mapanood na makipaglaban si Ayen sandali, ngunit noong tinatawag na kita upang simulan ang paghahalughog, para kang walang natuod sa kinatatayuan mo! Malamang ay sisigaw talaga ako dahil sa ginagawa mo!"
"Doon! Nakakarinig ako ng sigawan at pagtatalo sa banda roon!"
Napatakip na lamang kaming pareho ng bibig habang tumatakbo. Halos lahat ng aming nakakasalubong ay nababangga namin ngunit wala kaming oras upang humingi ng tawad.
Hindi rin naman nila kami mapapatawad kapag nahuli kami at nalaman nila ang aming plano.
"Hoy, pag may nahuli sa isa sa atin. Walang maglalantad kahit kamatayan ang kapalit!" saad ng inutil.
"Iyon din ang balak ko! Sa iyo ako nababahala, baka igapos ka pa lamang nila ay inilalahad mo na ang lahat ng bagay na naka-ugnay sa plano!" saad ko.
"Sinasabi ko sa iyong hindi, kahit na pumuti pa ang uwak ni Ayen!" sagot niya.
Nakakapagod ang pagsigaw habang tumatakbo, ngunit upang marinig at maintindihan ako ng inutil, bahala na.
"Clara!" tawag ko.
"Nandi—hmp!"
Nagkatinginan kami ng inutil sa aming narinig. Para bang isa lamang ang tumatakbo sa isipan namin kahit na puro hangin ang laman ng utak niya.
Nanggagaling iyon sa dulo ng pasilyo, malapit sa parteng hindi masiyadong matao.
"Clara! Sumagot ka kung naririto ka!" sigaw ng inutil.
Ang tanging narinig lamang namin ay ang kaluskos ng mga dahon ng mga puno sa bakuran sa bahaging iyon.
"Clara!" tawag ko nang nakalapit na kami sa dulo ng pasilyo.
Sinusubukan kong pakiramdaman kung sasagot ba siya o hindi, ngunit wala akong nakukuhang sagot.
Sigurado na ako kanina na naririto siya, ngunit naglaho na lamang na parang hangin iyon.
"Mukhang wala siya rito, tingnan natin sa ibang bahagi ng palasyo," mungkahi ko na siya namang sinang-ayunan ng inutil.
Lumiko kami sa karugtong na bahagi ng pasilyo na nagdudugtong pakanan patungo sa iba pang mga silid sa daanan.
Habang unti-unti naming hinahalughog ang palasyo kasabay ng pagtakas mula sa mga bantay, lalong lumiliit ang nakikita kong pag-asa na makikita namin siya rito.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...