~*~Sa kabilang dako, makikitang humahangos sa pagtakbo si Tingu. May iilang beses na siya' y lumilingon sa kaniyang likuran habang sinisipat kung siya ba' y patuloy pa ring tinutugis.
Walang kahirap-hirap para sa kaniya ang pagtakbo ng matulin dahil iisa iyon sa mga kakayahang karaniwang tinataglay ng isang engkanto.
Ngunit iba ang sitwasyong kaniyang kinalalagyan sa kasalukuyan, lalo pa't nakataya sa bawat hakbang na kaniyang nililikha ang pagkakataon na makakabalik pa siya sa kaniyang mga kaibigan.
Lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo ngunit kahit anong gawin niya'y hindi mawala-wala ang mabibigat na kabog ng kaniyang dibdib.
Paulit-ulit niyang sinusulyapan ang kaniyang paligid mula sa sulok ng kaniyang mga mata. Para sa isang normal na tao, hindi malinaw ang makikita ng mga ito kaya hindi nila aalintanain ano man ang nasa paligid. Ngunit para sa isang tulad niyang biniyayaan ng kakayahan na lagpasan ang limitasyon ng isang normal na tao, isang biyaya at isang sumpa ang kaniyang pagiging hindi karaniwan.
Kitang-kita niya kung paanong singbilis ng hangin kung maglambitin at magpaugoy-ugoy sa mga sanga ng nangingitim na mga puno ang mga Alan, mga kapwa ng nilalang na siyang nagbigay sa kaniya ng pangalawang buhay.
Sa kabila ng pagkakaroon ng paang nakasalungat ng harap sa kanilang buong katawan, walang problema ang mga ito sa paghahabol sa kaniya.
Nagsimula ang lahat nang siya'y mapadpad sa isang kakaibang lugar na puno ng mga baging at naglalakihang mga sanga.
Punong-puno ng amoy ng burak at lumot ang paligid, ngunit nagpatuloy pa rin si Tingu sa paghahanap sa kaniyang mga kasama.
Hindi nagtagal, namataan niya ang pulutong ng mga nilalang na nakabitin patiwarik sa naglalakihang mga sanga.
Ang isa sa mga ito'y iniunat pababa ang sarili upang siya'y palibutan at tapatan.
'Tila ba ika'y nawawala, munting paslit.'
Huni lamang ang naririnig ng kaniyang tainga, ngunit hindi siya makapaniwalang nauunawaan niya ang nais ipakahulugan ng kausap.
"Hinahanap ko si Mama.." inosenteng tugon niya.
Walang anu-ano'y sabay-sabay na nagsipag-pagaspas ng mga pakpak ang iba pang mga nilalang na kauri lamang ng unang kumausap sa kaniya.
Pinagmasdan ni Tingu ang mga wangis ng mga ito. Ang nilalang na nasa kaniyang harapan ay banayad na hinaplos ang kaniyang ulo na para bang inaalo siya nito.
Lingid sa kaniyang kaalaman, unti-unti nang natutuklusan ng Alan ang kaniyang mga alaalang nakabaon sa pinakamalalim na bahagi ng kaniyang isipan.
'Kung maaari, ako na lamang ang iyong magiging ina, hindi iyong Alan na ika'y inabandona lamang matapos kang angkinin bilang kaniyang anak..'
Tinanggal ni Tingu ang kamay ng Alan sa kaniyang ulo.
'Ako na lamang.'
'Hindi! Ako dapat ang maging ina ng batang iyan!'
'Nagkakamali kayo, ako ang nararapat!'
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...