Kabanata 3

266 8 0
                                    


~*~

Mortem Claveria


"Anong nangyari rito nung umalis kami?" tanong ko sa kanila.

Mukhang napansin din ng mga bantay na napahinto kami sa paglalakad kaya huminto rin sila. Seryoso lamang silang bumaling sa 'min at nagwika, "Kung anong nakikita niyo, iyon na yun."

Tinapunan kong muli ng tingin ang paligid.

Sira na ang noo 'y sibilisadong panahanan ng angkan ng Ursula na nakasentro sa gitna ng moog. Wala na ang buhay na buhay na kasiyahan ng mga Sundo na kabilang sa angkan nila tuwing mabubungaran ang mga ito sa tarangkahan pa lamang ng moog.

Tanging naiwan na lang ay ang gumuhong mga bato na dating mga bahagi ng plaza at merkado.  Ngunit ang higit na kagimbal-gimbal, mula sa dating kinatatayuan ng mga gumuhong malalaking bato ay sandamakmak na malalaking watawat ang matayog na nakatayo.

Hindi iyon basta bastang watawat lalo pa 't ang simbolong nakalimbag sa mga iyon ay hindi naman ginagamit ng mga Ursula; ang simbolo ng kuwago.

"Anong nangyari rito?" di-makapaniwalang tanong ni Jack at nilampasan kami upang mas makita ang paligid.

Mukhang damay din sa kaguluhan ang mga Ursula.

"May mga nakaligtas ba?" tanong ko.

"May mangilan-ngilan. Kung di siguro nakaligtas ang mangilan-ngilang mga iyon, malamang matagal nang burado sa kasaysayan ang angkan namin. Sa kabila noon, hindi pa rin kami kampanteng ligtas kami lalo pa 't may iba pang kaaway na naririto bukod sa kanila. Sumunod kayo, ihahatid namin kayo sa mga nakaligtas," sagot lamang nila at nagpatuloy nang muli sa paglalakad.

Dinaanan lang namin ang dating kinatatayuan ng pinaka-siyudad ng mga Ursula kaya sigurado akong wala roon ang mga nakaligtas.

Posibleng katatayo lang ng mga watawat at sariwa pa rin ang mga nangyari sa kanila.

"Mortem, para saan 'tong mga watawat?" tanong ni Jack at akmang hahawakan pa ang mga iyon ngunit agad ko siyang pinigilan. Maaaring may kung anong nakalagay sa mga watawat.

"Ang kaibigan ng mga rebelde ay kaaway rin sa paningin ng mga kaaway ng rebelde," ang naituran ko na lamang sa kanya upang hindi na maipa-alala pa sa mga bantay na iyon ang sinapit nila.

Ang dinadaanan namin ang dating pinakamerkado at plaza ng mga Ursula, ngayo 'y wala nang ibang matatanaw kundi mga bato, watawat at isang malaking harang sa dulong bahagi ng plaza na gawa sa mga posteng bakal na matutulis ang dulo.

Ngayon ko pa lamang nakita itong harang. Para saan naman iyon?

Habang tumatagal ang paglalakad, mas lalong nadadagdagan ang mga tanong na tumatakbo sa utak ko ngunit mas pinili ko na lamang na itago iyon sa isip ko dahil baka may masabi akong hindi maganda.


"Nandito na tayo," wika ng isa sa mga bantay matapos ang ilang sandali ng walang-kibuang lakad.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, kami 'y nasa harap ng harang na natanaw ko kanina. 

Mukhang ang mga kasagutan sa mga tanong ko ay naroroon lamang sa kabilang bahagi ng harang.

Lumapit sila roon at may hinatak na lubid sa gilid ng harang dahilan upang tumunog ang isang batingaw na mukhang naroroon sa kabila ng pader. Hindi nagtagal at agad namang umangat ang malaking harang kasabay ng pagkikiskisan ng mga bakal na lumilikha ng nakangingilong tunog. Napatakip ako ng tainga habang tinitiis iyon dahil ang sunod-sunod na pagkakarinig ng hindi maaliwalas na mga tunog ng ilang beses ay masama talaga sa pandinig ko.


Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon