~*~Mortem Claveria
"Tapatin mo ako, batang Sundo. Ano ang ngalan mo at ano ang pakay mo sa lupaing ito?"
"Bakit biglaan niyong naitanong?" tanong ko pabalik at sinubukang tumayo ngunit hindi ko nagawa dahil nagmanhid ang aking paa.
"Sagutin mo na lamang ang aking tanong, batang Sundo," seryoso niyang saad at tinapunan ako ng mas matatalim na tingin.
Sa totoo lang, kahit sino siguro'y matatakot kapag nakita siya sa gabi at marahil ay mapagkakamalan siyang mangkukulam.
Gusto ko ring matakot ngunit naalala ko na sa'ming dalawa, ako ang mangkukulam at galing sa angkan ng mga bruha.
"Narito ako upang makipag-usap sa inyo, at upang humingi ng pabor." sagot ko.
"Tumayo ka." inalok niya sa'kin ang kaniyang kamay at inalalayan akong tumayo.
"Hahayaan niyo na ba akong makipag-usap sa inyo?" tanong ko.
"Huwag kang mag-isip ng kung ano. Ika'y hahayaan lamang namin dahil sa pergaminong nahulog sa iyo. Kung hindi dahil doon, marahil ay iginapos ka na namin at ginawang alay sa mga diyos." banta niya.
"Naririto ka ba upang ipahayag sa'min ang balitang ito?"
"Hindi. Alam kong ang ilan sa mga babaylan kabilang ikaw bilang punong babaylan ay mayroong kakayahang makakita ng mga bagay-bagay sa hinaharap. Alam kong kayo rin ang may gawa ng ilan sa mga agimat na nagagamit ng napakaraming mortal at mga nilalang, kabilang na ang isang agimat na mayroong kakayahang makakita rin sa hinaharap." pahayag ko.
Napansin kong sa paglalakad namin, mayroon nang mga sulong may ningas na nakakabit sa mga katawan ng puno.
May mangilan-ngilang puno na sa sobrang tanda at laki ay maaari nang gamitin ang mga nakausli nitong mala-higanteng ugat bilang tulay.
Ibig sabihin ba nito'y papalapit na kami sa kanilang kuta?
Habang nagtatagal ay naaaninag ko ang liwanag na nanggagaling sa puso ng kagubatan. Kasabay noon ay ang sari-saring ingay mula sa mga tao na animo'y may kasiyahan.
Hinawi namin ang mga malalaking sangang nasa daanan. Doon ko na nakita kung ano nga bang mangyayari.
Napaawang ang bibig ko sa pagkakakita sa paligid.
Hindi ko napansing hindi pantay ang lupa noong una, ngunit sa pagkakakita kung paanong naroroon ang mga babaylan sa baba kung saan mayroong mistulang malaking uka sa lupaing ito.
Ang uka'y napapaligiran ng mga mala-tatsulok na kabahayang gawa sa pinagbigkis na mga makakapal na dayami na kagaya ng mga tolda sa kuta ng mga Ursula. Mayroon itong mga kahoy na pundasyon sa tuktok.
Sa gitna nito'y mayroong isang malaki at malapad na patag na bato na sa tingin ko'y kanilang pook-sambahan at pook-alayan. Mahahalata ito sa mangilan-ngilang mga damong tumutubo rito at sa mga bakas ng dugong natuyo sa bato.
"Kami'y maghahanda ng piging bilang pag-aalay ng aming mga naani sa mga diyos at bilang paghingi ng gabay at basbas mula sa kanila para sa mga magdaraan pang panahon." paliwanag ng punong babaylan.
"Tapos ako ang inyong iaalay sa kanila?" tanong ko.
"Maski mga diyos ay hindi tatanggapin ang mga kagaya mong pangahas." tutol niya.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...