Kabanata 77

13 2 0
                                    

~*~

Ruela Valderama

Ha?!

Pumunit ako ng tela sa laylayan ng aking damit at isinuksok iyon sa aking tainga para i-check kung hindi ako nakapaglinis o sadyang tama lang ang narinig ko.

"Ibabalik mo si Ayen?! Paano mo naman gagawin iyon? Ni hindi nga na²tin alam kung saan ang Sulad!" reklamo ko sa kaniya.

Tumawa lamang siya sa aking sinabi na para bang biro lang sa kaniya ang lahat.

Hindi ko rin maintindihan ang isang ito.

"Kaya nga hinintay kita.. hik!" aniya at dumighay.

Err, walang manners.

"Ang babaylan ang pinakamalapit na pang-ugnay sa mga diyos." wika niya.

Kaya pala. Iniisip niyang papayag akong ipagamit ang kapangyarihan ko sa kaniya.

"Paumanhin, ngunit hindi ako papayag sa iyong pinaplano. Kung gusto mo, humingi ka na lamang ng tulong sa mga babaylan na nasa Ibabaw-non." sagot ko at tumayo.

"Tara na, Tingu." aya ko sa kaniya ngunit para bang wala siyang narinig at nagpatuloy pa rin sa pagkain.

"Hindi mo ba gustong ibalik ang iyong kaibigan dito?" biglaang tanong ni Abbara.

"Tinanggap na niya ang kaniyang tadhana. Kahit anong gawin natin, hindi na magbabago pa ang isip niya."

Bumaling ako sa buwan.

Marahil ay ito rin ang buwan na tinitingnan ni Ayen ngayon kung nasaan man siya.

"Tama ka, bubukas ang Sulad kapag siya'y sumama sa kanila. Iyon ang dahilan ni Ayen kung bakit siya sumama. Ngunit pagkatapos, anong mangyayari?"

Nabalik ang tingin ko sa kaniya. Pinaningkitan ko siya ng mata dahil hindi ko makuha ang gusto niyang sabihin.

"Pagkatapos magbukas ng Sulad, ano na ang mangyayari sa kaniya?" pag-uulit pa niya.

Kumuha siya ng piraso ng karne na nakalagay sa dahon ng saging na nakahain sa kaniyang harapan at kumagat doon.

"Hik! Maaaring itapon siya sa apoy ng Kasanaan, o di naman kaya'y... lunurin sa walang hanggang kalaliman ng karagatan ng Sulad."

Tsk.

"Kinokonsensya mo ba ako?" kumpronta ko sa kaniya.

"Ganoon ba ang dating ng aking sinabi? Marahil oo, marahil hindi. Nasa iyo pa rin ang desisyon..hik! Naiintindihan ko.  Gaya nga ng sinabi ko kanina, kaya kong maglakbay doon mag-isa." aniya at tumayo. Lumikha ng isang matinis at matunog na yabag ang kaniyang pagtayo.

Noon ko pa lamang napansin na ang kaniyang binting putol ay kinabitan niya ng buho ng kawayan. Sa unang tingin ay mukha itong kadang dahil sa mayroong maliit na piraso ng tabla na nakakabit sa buho. Sa tablang iyon nakapatong ang kaniyang binti, at hindi lamang iyon, may nakabuhol na abaka na nagbibigkis sa kaniyang binti at sa buho bilang suporta.

"Batang engkanto..hik!" tawag niya kay Tingu. Maya-maya pa'y tinanggal niya sa pagkakapatong sa mga bariles ang dahon ng saging. "Sa iyo na ang lahat ng ito. Hindi ko ito madadala sa Sulad.. hik!"

Dali-dali naman itong sinunggaban ng gutom na gutom na si Tingu. Si Abbara nama'y binuhat ang mga bariles at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa madilim na kagubatan.

Kapag hindi ko siya sinamahan, maaaring siya naman ang mapahamak.

Kapag naman sinamahan ko siya, baka maging pabigat lamang ako sa kaniya.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon