Kabanata 8

220 5 0
                                    


~*~

Mortem Claveria


"Nakakapanibago ang gabi kagabi. Wala kang maririnig na kahit anong ingay maliban sa hangin at sa mga uwak na naririto," wika ni Jack na nakatalungko sa may bintana.

Dapat ay kanina pa kami naghahanap ngunit magta-tanghali na nang siya'y gumising.

"Dapat siguro'y masanay ka na. Kung nakaya mo ngang mag-isa na tulog ng mahabang panahon, wala na lang ang isang gabi kung ihahambing doon." iniligpit ko na ang banig na ginamit namin at idinantay ito sa isang sulok.

"Duda akong may makikita tayo sa nga gumuhong kubo na tupok na tupok na. Mukhang hindi ang katandaan ng panahon ang dahilan ng pagkasira ng kuta kundi mga kaaway," aniya at nag unat unat.


"Sira na ba ang pinaka-bulwagan ng kuta?" tanong ko.


"Mukhang hindi pa naman. Pero kilala mo si Tiya Corazon, alam niyang hindi dapat basta bastang itago ang mga dokumento sa mga lugar na alam niyang mahalaga rito sa kuta dahil iyon ang madalas na pinaghihinalaang mga lugar sakaling may mga manloloob dito," sagot niya at nauna nang lumabas.


Ang bulwagan ang pinakapuso ng aming kuta. Dito madalas na ginaganap ang mga pagpupulong at pagdiriwang. Dahil sa ito nga ang pinakasentro, ito rin ang pinakamalaki at pinakamataas na kubong itinayo ng aming mga ninuno. Binuo rin ito nang nakadikit sa Bundok ng Madyaas bilang pundasyon.

Wala rin namang mawawala kung titingnan din namin ang bulwagan.

Tumungo kami sa bulwagan sa pag-aakalang may mga bagay pa kaming maaaring pakinabangan, ngunit napagtanto naming ang panlabas na anyo na lamang ng bulwagan ang ayos pa.

Sa labas ay naroon pa ang mga malalaki at matutulis na batong nakasabit sa dulo ng bubong na sa tingin ko'y ginagamit upang pabigat. Kung tutuusin, ang mga bato ay kasinlaki ng talim ng isang sibat, at maaaring magamit bilang talim sa isang Arma.


Balita ko'y dekorasyon lamang iyon ngunit may mga nagsasabi na may dahilan daw kung bakit bigla na lamang ipinakabit ni Corazon ang mga iyon.

Tumambad sa'min sa loob ang basag na mga banga, nagkalat na mga pergamino, mga sirang banig, at pawid na bubong na mayroong malalaking butas kung saan ang sikat ng araw ay tumatagos sa pagpasok pa lang namin.


Binuklat ni Jack ang mga pergamino ngunit isang iling lamang ang iginawad niya sa'kin.

Kung wala rito ang pergaminong kailangan namin, saan naman nila itinago iyon?

O baka naman wala talaga silang isinulat na pergaminong naglalaman ng kanilang mga nasaksihan?


"Parang walang-kabuluhan ang ipinunta natin dito," himutok ni Jack at naupo sa sirang hapag.


"Kailangan lang nating maghanap, kung wala'y manguha na lamang tayo ng gamit upang gamitin sa pagsundo at saka bumalik sa Lupan-on upang gawin ang ating tungkulin." sagot ko.

"Pati yung mga lumang laruan ko na sana ubra pang gamitin bilang Arma ay nangasira na rin. Matagpuan ko lang talaga kung sinong may gawa nito, sisiguruhin kong hindi na siya makakapanundo pa." inuga-uga niya ang kinauupuan sa sobrang kainisan.


"Huwag mong ugain iyan, at lalong baka mabali ang paa," saway ko sa kaniya.

Hindi siya nakinig bagkus ay mas lalo pa itong inuga.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon