Kabanata 83

13 2 0
                                    

~*~

Ruela Valderama


Kanina pa ako nahahapo kakapunas ng pawis sa aking mukha. Malamig sa loob ng bangin ngunit sobrang nakakapagod ang paglalakad, lalo na kung kayo'y walang ibang pagpipilian kundi sumunod sa isang taong kanina pa sinasabi sa amin na magtiwala kami sa kutob niya.

Naglaho na ang mga Santelmong gumagabay sa amin kanina dahil ayon sa kanila, hanggang doon lamang sa aming kinahulugan sila maaaring magturo ng daanan lalo pa't hindi na sakop ng kanilang kapangyarihan ang looban ng bangin hanggang sa labasan nito.

"Magtiwala lamang kayo sa akin—"

"Pang-ilang libong beses mo nang sinabi iyan! Kanina pa tayo nag-iikot at nagpapabalik-balik sa mga dinadaanan natin kanina." reklamo ko.

Mukhang tumatama lamang ang kaniyang kutob kapag siya'y hindi lasing.

"Buhay ka pa ba, Maghuyop?" tanong ko sa kaniya na nakapasan na sa likod ni Tingu.

Kanina pa namumungay ang kaniyang mga mata buhat ng pagod. Nakailang beses na rin siyang humihikab habang naglalakad. Naging malaking bawas sa kaniyang enerhiya ang pagbibigay niya ng kaniyang sariling kapangyarihan.

"Anong akala mo sa akin? Hindi ako mamamatay dahil lamang doon." pagyayabang pa niya.

"Mag-ingat kayo..hik! Tumataas na naman ang tubig!" paalala ni Abbara.

"Kapag ito talagang daan na ito ay mali pa, ewan ko na lang. Baka lunurin ko na lang ang sarili ko." wika ko sa kaniya.

"Dire-diretso lang.. hik! Mag-ingat kayo sa paghakbang, baka kayo masilat.. hik!" aniya at tuluyan nang sumisid sa tubig.

Hindi ko naman siya masisisi. Sa aming apat, si Tingu na lamang ang litaw ang baywang samantalang kami ni Abbara ay lagpas dibdib na ang tubig.

Hindi nagtatagal ay napapansin kong lalong lumalalim ang tubig kung kaya't naisipan ko na lang din itong languyin. Sa kabutihang palad, hindi gaanong malakas ang agos.

Tuwang-tuwa pa si Abbara sa pagtatampisaw sa tubig kaya't di ko alam kung tama pa rin ba ang daang dinadaanan namin.

"Sigurado ka bang hindi tatangayin ng agos ang kawayan mong binti?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi.. hik!" tugon niya. "Kung tatangayin ang binti kong ito, sasanayin ko na lamang ang aking sarili na maglakad ng iisa ang binti.. o di naman kaya'y magpapapasan na lamang ako kay Tingu.. hik!"

Magsasalita pa sana ako ngunit ako'y nasilaw ng mumunting liwanag mula sa kung saan. Nabuhayan naman ako ng loob nang makarinig ako ng mga tinig na sa tingin ko'y nagmumula sa labas.

"Malapit na tayo.. hik!"

Pigil ang hiningang nagpatuloy ako sa paglangoy. Hindi mapagsidlan ang aking kasabikan habang binabagtas ang malalim na katubigan.

Sa wakas, nagawa rin naming makalabas sa mala-kuwebang daanan na iyon. Tuluyan naman kaming inanod ng papalakas na agos sa may bungad ng labasan patungo sa dalampasigan.

Agad akong bumangon kahit na nangangalay na ang aking buong katawan dahil sa pagod. Kinuha ko na ang pagkakataon upang saksihan ang paligid.

A..

Ano 'to?

"Abbara.." tawag ko.

"Naririto na tayo.. hik!" tugon niya habang pinapagpagan ang sarili. Hindi ako makapaniwalang nagawa pa rin niyang makalangoy kahit na mabigat sa katawan ang balat ng hayop kapag nababasa.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon