~*~Dalugdog
Sari-saring ingay ang nangyayari sa labas at halos hindi ko na mawari kung saan nanggagaling ang bawat isa sa mga ito.
Natigilan ang lahat sa paglaban at tila ba nakikiramdam sa kalagitnaan ng pagguho.
"Gising na ang Panginoong Sitan!" pagbubunyi ni Maria at pinaikot-ikot ang kaniyang mga daliri na animo'y mayroon siyang kakalabitin sa hangin ngunit agad siyang sinusugod ng pinuno upang siya'y pigilan.
Sa kawalan, lumitaw ang isang malaki at itim na butas. Mabilis na iniluwa noon ang dalawang pigura.
Nagpakita mula roon ang isang babaeng nakasuot ng maraming bungo bilang agimat sa anyo ng isang kuwintas at may hawak na baling baston. Kasama niya ang Rajah na walang humpay ang agos ng dugo papalabas sa labi.
Ang mga ahente ni Sitan.
Mabilis na hinatak ng babae si Maria na umiiwas sa mga atakeng ginahawa ng pinuno.
"Mansisilat, kailangan na nating samahan ang pinuno." abiso nito sa kaniya.
Naghimutok si Maria na parang bata ngunit sa huli'y wala siyang nagawa kundi sumama sa mga iyon. Walang anu-ano'y lumaki pa ang butas at kasamang hinigop noon ang mga namayapang nilalang na kanilang binuhay.
"Wala kayong dapat ikahinga ng maluwag, pagkat hindi pa rin nababago ang aming pakay, kukuhanin pa rin namin ang iyong anak sa nais niyo man o hindi, Corazon." pahabol pa ng babae bago sila tuluyang kuhanin ng kadiliman.
Narinig kong napa-asik ang pinuno. "Guguho na ang palasyo! Kailangan nating umalis!"
Agad akong tumango at hinugot ang palakol na nakataga sa gintong puno ng nganga.
Mula sa kisame ay lumipad papalapit sa amin ang mga uwak na aming pinangangalagaan.
Tinangay kami ng mga ito papalabas sa palasyo. Wala na akong ibang nagawa kundi sulyapan na lamang iyon habang kami'y papalayo.
Nawa'y nasa ligtas na kalagayan sina Abbara at sina Ayen.
Walang anu-ano'y nagkanda-watak watak ang paglipad ng mga uwak.
Isang malaking bola ng karimlan ang humahangos patungo sa aming kinaroroonan.
Nasaksihan ko kung paano nitong nilamon ang kabayanan na natamaan nito.
Sinundan ko ng tingin ang pinanggagalingan nito habang pinangingilagan ang mga nagbabagsakang mga bato, apoy, at pagsasalpukan ng mga kapangyarihan.
Sa ibabaw ng gumuguhong palasyo, makikitang nakikipagbuno sa isa't-isa ang Haring Kusog at si Sitan.
Hindi maaari..
Ang buong akala ko'y nahihimbing na siya kagaya ng iba pang mga diyos ayon sa pangitain ng pinuno?
Bakit siya naroroon?
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
خيال (فانتازيا)Mayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...