~*~Mortem Claveria
"Tsk, tsk, ang hapdi. Pakiramdam ko talaga nakakuha ako ng pasa sa kurot mo." reklamo ni Claudio habang hinihimas ang kaniyang tagiliran.
"Paumanhin." ang naiwika ko na lamang habang nililibot ang aking mata sa paligid.
Halu-halong klase ng mga Sundo ang nakakalat kahit saan. May mga taong nakabigkis sa iisang lubid ang mga kamay at wari'y nakapila.
Bakas sa kanilang mukha ang panlulumo. Sa harap nila'y isang matabang babae na kinakausap sila. Walang anu-ano'y kinausap nito ang katabing nakikipag-kalakalan.
"Hala, sige! Dalhin niyo ngayon sa rajah ang kanilang mga ari-arian at sabihing sa akin galing ang mga alay na iyan." bulong niya sa kausap.
"Parang sigaw ang kaniyang bulong." puna ni Jack.
Mukhang dito lahat nagtungo ang mga mangangalakal na dating dumadayo sa Silangan.
Nangangapal ang bawat sulok ng lugar sa mga mangangalakal at mga bumibili ng alipin. Sa palagay ko ay mas dagsa ang mga Sundo ngayon dahil sa nabanggit na pagdiriwang ng tindero na nakausap namin kanina.
Hindi kami hangal upang isipin na ang kasal, ang sanduguan at ang nasabing pagdiriwang ay isinagawa lamang dahil sa kanilang kagustuhan. Marahil ay may kasunduan na nangyari kasama ang isang lihim na plano.
Lalo pa at sangkot ang mga Sundo sa Hilagang-Kanluran, ang angkan ng Montenegro, isang mataas na uri ng mga Sundo na may di-pangkaraniwang kakayahan upang mangalap ng mga kaalaman sa panggagamot.
"Mawalang galang na po ngunit maaari niyo po bang ituro sa amin kung saan gaganapin ang pasiklaban ng Arma?" tanong ni Claudio sa isang lalaking aming nakasalubong.
"Ang sinasabi niyong pasiklaban ng mga Arma ay gaganapin sa mismong arena na inihanda mismo ng Rajah sa kaniyang palasyo." sagot nito at itinuro ang sa tingin ko'y palasyo ng Rajah ng Siniestro.
"Maraming salamat po,"
Iniwan na namin ang lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.
"Para tayong lumalakad sa patibong." Idinantay ko sa aking balikat ang aking karit. "Mawawalan ng saysay ang ating layunin kung sabay-sabay tayong mahuhuli rito."
"Anong ibig mong sabihin, Ayen?" tanong ni Claudio.
"Hindi mo ba nakukuha ang nais niyang ipakahulugan? Kailangan nating maghiwa-hiwalay." sabat ni Jack at bumulong. "..inutil."
"Lalahok ako sa pasiklaban ng Arma. Kayo naman, suyurin ninyo ang buong palasyo at ang buong kuta na ito upang malaman kung naririto si Claudio." saad ko.
"Nahihibang ka na ba? Ako ang sasali sa Arma at kayong dalawa ang sumuyod sa kaharian." naiinis na bulong ni Claudio.
"Kailangan nating mag-ingat. Kilala ka ng halos lahat ng naririto sa Siniestro bilang pinuno." pahayag ko.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...