~*~Mortem Claveria
Nasaan ako?
"Ayen, maglaro ka na muna. Bukas, tuturuan kita ulit na bumasa ng iba't ibang klase ng baybayin."
Huh? Magbasa?
Anong nangyayari?
Luminga-linga ako sa paligid.
Naririto pa rin ako sa kuta, ngunit bakit ibang iba ang bikas nito kumpara sa naabutan namin ni Jack?
Dikit-dikit pa rin ang dampa at mga kubo sa paanan ng bundok, ngunit ang pinagkaiba'y naririnig ko ang ingay ng mga tao na para bang bumalik ako sa nakaraan.
Namataan ko ang isang babae sa di-kalayuan, nakaupo sa may kubo at inililigpit ang mga dahon ng saging, mga pergamino, at balahibong lubog ang dulo sa tinta.
"Opo! Sasalubungin ko lang po si Ama sa kaniyang pag-uwi!"
Walang anu-ano'y patakbong humangos dito sa direksyon ko ang isang bata-
Sa palagay ko'y matanda lamang siya ng ilang taon kung ikukumpara sa kasalukuyang edad ni Jack.
Bakit pamilyar ang mukha ng batang iyon?
Ang salakot na nakasuot sa kaniyang ulo.. Ang kasuotan niyang walang pinagkaiba ang disenyo sa suot ko.
Napagtanto ko na kami ay iisa.
Ano ba talagang nangyayari?
Akmang iiwas ako upang hindi ko siya mabunggo.. ngunit..bigla na lamang siyang tumagos sa katawan ko na para bang hindi niya ako nakikita.
Hinabol ko siya ng tingin, at ang tanging nasilayan ng mga mata ko ay ang likod ng batang ako na tumatakbo patungo sa kakahuyan nitong Ikalima.
Hindi ko alam kung bakit ngunit pamilyar sa'kin ang lahat ng nangyayari ngunit parang malabo ang lahat..
..animo'y inaasahan ko na ang susunod na mangyayari ngunit wala akong magawa upang pigilan ito.
Sinubukan kong sundan ang bata at tawagin ang kaniyang pangalan ngunit tila ba wala siyang naririnig at patuloy lamang sa pagtakbo.
Hindi niya nararamdaman ang presensya ko, maski marinig ang boses ko.
Nasaan ba talaga ako?
Ilang sandali pa at huminto sa pagtakbo ang bata at nagtago sa isang puno na pawang may sinisilayan siya sa malayo.
Tumingin ako sa kung saan siya tumingin.
Nakita ko ang likuran ng aking Ama. Nakatayo siya at tila ba nakikipag-usap sa isang taong hindi ko kilala.
Sa hindi-malamang kadahilanan, malabo ang mukha ng kausap niya. Nakakubli rin ito sa dilim at tanging nakikita ko lamang ng malinaw ay ang anino niya na dulot ng papalubog na sinag ng araw sa Kanluran.
"Hindi natin maisasagawa ang ating plano hangga't ang aking asawa ang pinuno ng angkang ito."
"Kaya nga't tinatanong kita, ano ang iyong kagustuhan?"
"Gusto kong patayin kung maaari si Corazon sa paraang hindi malalaman ng iba. Siya lamang ang maaaring maging hadlang sa mga plano kong makamit ang buhay na walang-hanggan,"
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...