Kabanata 21

193 4 0
                                    


~*~

Mortem Claveria


Hindi ito isang huwad.

"Hindi ko pa naipapaliwanag ang dapat maganap kung kaya't mangyaring kayo ay makinig.."

Umalingawngaw sa paligid ang tinig ng Rajah ngunit hindi ko nararamdaman ang presensiya niya kahit saan.

"Kayo ngayo'y nasa isang lugar na wala sa Kahilwayan, sa madaling salita, kayo ay nasa pugad ng mga Bakunawa.. Kung ako sa inyo ay mag-iingat ako upang hindi matagpuan ng mga ito, lalo pa't sila'y tatlong siglo nang hindi nakakakain dahil sa hindi nila maabot ang buwan.."

Nagsasalita pa ang Rajah ngunit hindi ko na naintindihan ang kaniyang mga susunod na sinabi sapagkat may umatungal na namang Bakunawa sa di-kalayuan.

"AAAAHHHHHHHHHH!"

Sari-saring sigawan at mga tili ang sunod-sunod kong narinig sa iba't- ibang panig ng kakawayanan.

"..iyon lamang at paalam. Ngayon pa lang ay binabati ko na ang mga magwawagi.."

Tsk. Mukhang mahalaga ang mga salitang hindi ko narinig.

Nanaig ang nakabibinging katahimikan matapos ang nakapupunit ng taingang sigaw ng lalaki at ang pagsasalita ng Rajah. Ilang sandali pa'y lumangitngit na naman ang mga kawayan.

Sinubukan kong lumakad palayo mula sa pook na iyon dahil baka bumalik ang Bakunawa.


"Tulohhhhnnnnggggg!"

Ang tinig na iyon ay kapareho ng sa lalaking nakasalubong ko kanina. Akala ko ba ay patay na siya?

Hindi, maaaring katinig lamang niya iyon. Maaaring higit pa sa isa ang Bakunawang naglipana rito, hindi lamang iyon, maaaring hindi lamang Bakunawa ang mga halimaw na naririto.

Kung magkakamit man ako ng kapangyarihan matapos ang labanang ito, gugustuhin kong ang Salamanca na makukuha ko ay iyong maaaring gamiting panggamot.

Hindi sa habang panahon ay makaliligtas ako sa paghihintay kung kailan maghihilom ang mga sugat na ito.

"Tuloooohhnnngggg!"

Tinunton ko kung saan maaaring nagmumula ang tinig na iyon habang pinipilit maglakad ng paika-ika at nakayakap sa aking sarili dahil sa walang humpay na hampas ng hangin sa aking balat.

Akmang uupo ako sa kakawayanan upang magpahinga ulit sandali, ngunit bago pa man ako makasalampak ay nakarinig ko na naman muli ang napapawing tinig ngunit mas malakas.

Nangangahulugang nasa malapit lamang ang sumasaklolo. Sa wakas, natagpuan ko rin ang may-ari ng tinig, ngunit ang pagkakakita ko sa kaniya ang mismong bumigla sa akin.

Sa halip na binata ay isang batang babae ang aking natagpuan. Hindi ko matandaan na siya'y nasa arena ngunit maaaring hindi ko lamang siya napansin.

Nakatayo siya sa pagitan ng mga kawayan, nakasuot ng balabal na gawa sa balahibong mamula-mula at halos natatakpan ng kaniyang itim na buhok na ang haba ay hanggang binti. Sa ilalim ng kaniyang mata ay mayroong naka-markang dalawang bituin.

Ang mga kamay niya'y nasa tapat ng kaniyang sentido at tila ba kinokontrol ang hangin.

Naiintindihan ko na.. ang hangin.. at ang tinig at ang mga kawayan. Ang lahat ng ito'y magkaka-ugnay. Kaya pala lumalakas ang hangin kanina pa ay dahil sa kaniya na sinusubukang gumawa ng tinig na pawang bulong sa pamamagitan ng langitngit ng mga kawayan at mga dahon nito.

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon