Kabanata 12

212 3 0
                                    


~*~

Mortem Claveria

Kasaysayan.

Halos lahat ng nangangarap ay nagnanais magkaroon ng puwang sa mundo, maging sa utak at puso ng tao.

Halos lahat ay nagnanais gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili, sa iba't-ibang larangan.

Para sa iba, ito'y isang kahibangan.


Ngunit para sa mga nangangarap na makamit ito, nais lamang nilang hindi makalimutan, at para na rin sa pagdating ng oras na lilisan sila sa mundo ay mayroon silang maiwang palatandaan...o maaaring nais lamang nilang matamasa ang pakiramdam ng kalayaan.

***

"Ito?"

Sinipat ni Patag'aes ang pulseras na ini-abot ko sa kaniya na nakuha ko noong nagkataong sinapian si Jam. Sa paglalakad-lakad nami'y nakarating kami sa isang liwasan kahit sa kalagitnaan ng hatinggabi.


"Mas mainam sa aking palagay kung hindi mo hahalukayin ang tungkol sa bagay na ito," aniya at nag-iwas ng tingin.

Marahil ay mayroon siyang nalalaman at ayaw lamang niyang sabihin.

Naupo ako sa bangko na namataan ko sa malapit at tumingin sa mga bituin.

"Ayen, bakit ika'y bumalik pa?" biglaang tanong ni Patag'aes.

"Saan?"

"Sa Kahanginan. Alam kong alam mo kung anong klaseng kapahamakan ang naghihintay sa'yo roon," turan niya.

"Gusto kong maging isang diyos, Patag'aes," diretsong sagot ko

Akmang magsasalita pa sana siya ngunit bigla na lamang niyang binunot ang bolong nakasukbit sa kaniyang baywang.

Luminga-linga siya sa paligid at tila ba may hinahanap.

Anong nangyayari?

Napahinga ako ng malalim at tumayo.

Ang kaninang tahimik na liwasan ay napuno ng tunog ng bakbakan na animo'y sa kalagitnaan ng hatinggabi'y mayroong nagaganap na kung ano.

Lumitaw sa aking paningin ang mga nakabulagtang katawan sa damuhan. Ang luntian nitong kulay ay napalitan ng mapusyaw na pula.

Nagliliparan ang sari-saring bala ng kanilang armas mula sa iba't-ibang direksyon.

Mayroong nagsisigawan, mayroong sumusugod mula sa kawalan. Sa nakikita ko'y nakasuot ng pare-parehong kasuotan ang mga mortal na iyon.


Kung hindi ako nagkakamali, kami ni Patag'aes..

..ay nasa gitna ng digmaan.

Iba't-ibang lahi ang nakikita kong nakikidigma, mayroong mga dugong banyaga, mayroon ding mga dugong katutubo.


Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon