~*~Abbara Claveria
"Humihinga pa ba siya?"
"Pumipintig pa ng bahagya ang kaniyang puso. Ngunit masiyado itong mahina.."
Hindi gaanong malinaw sa aking pandinig ang mga tinig na aking naririnig.
Nararamdaman kong umuuga-uga ang aking kinahihigaan. Lubos itong matigas at bawat yabag na nalilikha mula sa mga paa ay nagngingitngit doon.
May kung ano sa aking sikmura na nagpupumilit lumabas. Walang sabi-sabing naibuga ko ito sa aking bibig kasabay ng sunod-sunod na pag-ubo.
Tubig.
Pumapatak at dumadaloy sa aking mukha ang bawat butil noon.
Nagmulat ang aking mata at ang unang bumungad sa akin ay ang kulay abong kalangitan kasama ang nakapupuwing na patak ng ulan.
"Nasaan ako?"
Ang kulay abong kalangitan ay bigla na lamang natakpan ng mga sumulpot na mga mukha.
Nakaguhit sa mga mukha ng mga ito ang labis na pagtataka. Agad akong nagbangon ngunit muli ring napahiga nang kumirot ang aking mga sugat.
Kinapa ko ang mga ito at napansing may mga telang nakapulupot sa mga iyon.
"Huwag ka munang gumalaw ng gumalaw, kundi bubukas ang iyong mga sugat." wika ng isang babae sa akin.
Dahan-dahan kong ibinangon ang aking sarili at inilibot ang aking paningin sa paligid.
Ako'y nasa isa sa napakaraming balangay na nasa kalagitnaan ng nagngangalit na laot.
"Maaari mo bang ihayag ang nangyari sa iyo? Natagpuan ka naming walang malay at nagpapalutang-lutang sa katubigan." saad ng isa pa.
Naalala kong ang ilog na aking ginapangan ay nakaugnay sa karagatan. Masiyadong maraming pasikot-sikot ang kailangang daanan sa ilog bago tuluyang makarating dito sa aking kinaroroonan.
"Nasa Sulad na ba ako?" tanong ko sa kanila.
Nagkatinginan silang lahat sa bawat isa, maya-maya pa'y sunod-sunod silang umiling.
Hinaplos ko ang aking dibdib. Nararamdaman kong pumipintig pa rin ang aking puso.
"Bakit ninyo ako sinagip?"
Bakas ang pagkabigla sa kanilang mga mukha. Wala ni isa sa kanila ang umimik.
"Bakit ninyo ako sinagip?!" pasigaw kong inulit ang aking tanong.
Napangiwi ako nang kumirot ang sugat na nasa aking dibdib ngunit hindi ko iyon ininda. Bagkus ay nagpatuloy lamang ako.
"Dapat ay hinayaan na lamang ninyo akong malunod sa laot! Wala na akong hiling pang mabuhay!"
Ni isa sa kanila'y wala pa ring nagbubuka ng bibig.
"Bakit ayaw ninyong sumagot?!"
Maya-maya'y pumagitna ang isang matipunong lalaki at naglakad papalapit sa akin.
Bahagya akong napaatras sa pagkakakita sa kaniya ngunit hindi ko hinayaan ang aking sariling tuluyang matinag.
"Huwag kang lalapit!" pagbabanta ko sa kaniya at mabilis na hinablot ang hawak na sibat ng taong aking katabi.
Itinutok ko iyon sa kaniya. Huminto siya sa paglalakad at tinitigan lamang ako ng diretso.
"Hindi ko alam kung anong inyong binabalak gawin sa akin, ngunit sinasabi ko sa inyong wala kayong mapapala." dagdag ko pa at tumawa upang ipakitang hindi ako natatakot sa kanila.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasíaMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...