~*~Mortem Claveria
"Madali naman akong kausap. H'wag mo lang akong sisisihin kapag pinaulanan nila tayo ng sandamakmak na sibat at kutsilyo sa tarangkahan palang," saad niya. "Paano naman tayo makararating doon?"
Kinapkapan ko ang sarili ko dahil hindi ko na matandaan kung saan ko huling nailagay ang bagay na 'yon. Nang makapa ko ito sa may leeg ko ay agad ko itong inalis sa pagkakasuot ko; isang kwintas na agimat na binubuo ng mga bato at mga piraso ng ngipin na may basbas na engkantasyon ng mga ka-angkan namin.
"Kailangan din nating makihalubilo paminsan-minsan. Marami tayong mga kaaway pero hindi ibig sabihin noon na wala na tayong pwedeng maging kakampi," turan ko. "Isang paraan lang ang alam ko upang makarating doon nang hindi ipinagbibigay-alam sa ibang angkan ang presensya natin."
Pumigtas ako ng isa sa mga maliliit na puting batong nakakabit sa agimat na iyon. Isinubo ko iyon pero hindi nilunok. Inabot ko ang kwintas na iyon kay Jack pero tinapunan niya lang ako ng tingin na para bang hindi siya sigurado kung dapat niya rin bang gawin kung ano ang nakita niyang ginawa ko.
Masyado nga pala siyang maselan sa ganitong mga bagay.
"Seryoso ka ba?" Napaatras siya. Ang mga antukin niyang mga mata ay napadilat ng malawak. Ang nagsasalubong niyang kilay maging ang nagdududa niyang ngiti ang nagpapahiwatig na ano mang oras ay kakaripas siya ng takbo.
Tinapunan ko siya ng seryosong tingin para ipahayag sa kanya na hindi ako nagbibiro. Wala siyang nagawa at lumapit sa 'kin nang nakaguhit sa mukha ang pagkalugi.
"Ikaw ang magpapagamot sa 'kin pag hindi ligtas 'yan," banta niya at kinuha sa kamay ko ang isa pang bato.
Madali siyang makuha sa tingin.
Masyado siyang natatakot dahil maski ang katawan namin bilang Sundo ay imperpekto pa rin--
Walang anu-ano 'y umikot ang paligid-- sa aking paningin.
Unti-unti akong nawawalan ng balanse. Gumaan ang pakiramdam ng ulo ko kasabay ng pagmamanhid ng pisikal na kamalayan ng katawan ko, dahilan upang hindi ko makontrol ng ayos ang sarili ko.
"Oy! Ayos ka lang? Sinasabi ko na nga ba, hindi ligtas 'tong batong 'to--"
Nauulinigan ko si Jack ngunit hindi ganoon kalinaw sa akin kung ano ang sinasabi niya lalo pa't.. masyadong mabilis ang paglamon.. ng dilim maging sa mental na kamalayan ko..
.
.
.
Wala akong nakikita. Wala rin akong nararamdaman, ngunit unti-unti nang bumabalik ang mental na kamalayan ko sa maiksing sandali.
Sa ngayon, wala akong ibang maaasahan kundi ang aking uwak dahil sa isang di-malinaw na dahilan, iisa lamang ang diwa naming dalawa.
Di pa nagtatagal at bumabalik na ang pisikal kong pandama dahil nararamdaman ko na ang rumaragasang hangin sa mukha at buong katawan ko. Mukhang nasa ere pa rin kami ngunit hindi ako sigurado kung nakalayo na ba kami dahil sa hindi pa rin bumabalik ang paningin ko.
Dalawampung-minuto ang itinatagal ng epekto ng batong gamit ko upang itago ang aming presensya. Sa tantya ko 'y nasa limang minuto na lamang ang natitira bago ito tuluyang mawalang-bisa.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
Viễn tưởngMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...