~*~
Ruela Valderama
"
So, Abbara, hindi ko pa rin nauunawaan ang ibig sabihin ng sinabi mo kanina. Isa pa, hindi ko lubos na maintindihan bakit tayo nandito sa tuktok ng bundok?!" bulalas ko sa kaniya.
Abala siya sa paghaltak sa baboy-ramo na nagpupumilit na tumakas mula sa pagkakatali.
"Nadala mo ba iyong pinapakuha ko sa'yo, Maghuyop?" tanong pa ni Abbara na kasalukuyang nakatalikod sa akin at naglalakad paatras.
Tumango lamang si Maghuyop.
"Pansinin mo yung tanong ko!" sigaw ko pabalik sa kaniya.
Nilingon naman ako ni Abbara, "Hik! Hindi mo kailangang magmadali..hik!..
Malalaman mo rin mamaya.."Napakamot na lamang ako ng ulo.
"Tingu! Hik! Ibaba mo na lang diyan ang mga bariles." utos pa ni Abbara at itinuro kay Tingu kung saan niya ibababa ang mga pinadala nito sa kaniya. Kasama roon ang ibang malalaking banga na sa tingin ko'y walang laman.
Teka, bakit napakarami niyang dalang bariles na may lambanog? Hindi naman inuman ang pupuntahan niya, ah?
Buong lakas na hinatak at isinampa ni Abbara ang nagwawalang baboy-ramo sa ibabaw ng isang patag, malaki at malapad na bato.
"Anong gagawin natin dito, Abbara?" tanong ko ulit.
"Pupunta tayo sa Sulad!" masiglang sabi niya.
"Ibig kong sabihin, bakit nandito tayo sa bundok?"
"Hindi mo alam?"
"Ang alin?"
Ihinaya niya ang kaniyang mga braso at inilibot sa buong paligid na para bang isa siyang tour guide. "Ito ang Bundok Madyaas."
"Tapos?" tanong ko. "Ano naman ngayon?"
"Mangmang. Ito ang isa sa mga daanan na naghahatid sa Sulad." sabat naman ni Maghuyop. "Hindi ba iyon itinuturo sa inyo ng mga tagalupa niyong guro?"
"Makapanabi ng mangmang, akala mo ako na ang pinakabobong tao sa mundo." patutsada ko pabalik sa kaniya.
"Huwag ninyong aksayahin ang inyong hangin sa walang saysay na bangayan.. hik!" awat ni Abbara at isinuot sa sarili ang makapal na balabal na gawa sa balabal ng hayop na nakasukbit sa kaniyang braso. Halos matakpan na noon ang kaniyang buong katawan sa sobrang haba.
Ngayong sinabi niya, napayakap na lamang ako sa aking sarili sa sobrang lamig. Pinagkikiskis ko na ang aking mga palad ngunit hindi ito sapat upang ako'y mainitan.
Isang bagay naman ang tumama sa mukha ko.
Agad ko iyong tinanggal mula sa pagkakasabit sa aking mukha. Tiningnan ko kung ano iyon.
Ito ang balabal na suot kanina ni Abbara bago niya isuot ang isa pa niyang balabal na ubod ng haba.
"Hindi tuluyang maiibsan ng balabal ang iyong pangngatog ngunit makatutulong iyan upang kahit papaano'y makaramdam ka ng ginhawa." pahayag ni Abbara.
Agad ko naman itong isinuot at laking ginhawa ng mga braso ko nang dumampi ang makapal na balabal sa aking balat.
Hindi natakpan ang aking mga binti ngunit ayos na rin na mayroon akong suot na makapal. Siguro nama'y hindi ganito kalamig doon sa Sulad.
BINABASA MO ANG
Sundo [The Reaper]
FantasyMayroong pamahiin ang mga Pilipino na kapag ang isang tao ay handa na sa pagtungo sa kabilang-buhay ay nangangahulugang nakikita na nito ang maghahatid sa kaniya roon-- mga nilalang na tinatawag nilang Sundo. Ngunit sa pagkakahimbing ng mga ito dulo...