Kabanata 24

195 4 0
                                    


~*~

Mortem Claveria

"Nagpakilala sa iyo si Maria?" gulat na tanong ni Jack.

Tumango ako at pinawi ang mga luhang hindi pa nalalaglag sa aking pisngi.

Hangal, hindi ko aakalaing makikita pa nila akong dalawa na ganito.

Mabuti na lamang at pinili nilang huwag nang pag-usapan ang kanilang nakita. Nakinig lamang sila sa mga ibinahagi kong mga bagay na nalaman ko mula kay Maria.

"Paumanhin at hindi ko na nagawa pang habulin siya," saad ko ngunit pinitik lamang ako ni Claudio sa noo.

Ang sakit..

Hinawakan niya ang aking magkabilang balikat at tinitigan ako sa mata. "Uunahin mo pa ba iyon kaysa sa kaligtasan mo? Oo nga't kailangan nating mahanap ang aking kapatid, ngunit hindi ko maaatim na magsugal muli ng isa pang buhay sa kabila ng halos pagkawala sa akin ng lahat."

"Paumanhin.." iniwas ko ang tingin ko sa kaniya dahil hindi ko magawang titigan siya pabalik.

Nadidismaya ako sa sarili ko.

"Huwag mong hayaang masira ang sarili mo, huwag ngayon. Dahil kapag ginawa mo iyon, parang ginagawa mo na rin ang nais ng kaaway na makitang gawain mo," ani Jack at tumingin sa malayo. "Sa ngayon, kailangan nating maghanap ng daan papalabas sa pook na ito."

Tumayo ako at tumango sa kaniyang sinabi.

"Hindi ko alam kung anong nangyayari mula rito, ngunit dapat tayong mag-ingat—"

"Bakunawa." saad ko.

Nagulat ang dalawa sa aking sinabi. Sino nga naman ang mag-aakalang ang maliit na kakawayanan na ito ay isang lungga para sa mga gaya ng Bakunawa na lubhang mapanganib?

Idinipa ni Jack ang kaniyang kanang braso at nagbukas ng panibagong dimensiyon.

Akmang papasok na kami ngunit kami'y nabulahaw ng isang malakas na atungal. Halos yumanig at mabali ang mga kawayan sa lakas kung kaya't nakasisiguro akong malapit lamang ito.

Sa isang iglap, nagsilipad sa aming kinaroroonan ang ilang baling kawayan.

Sabay-sabay kaming umiwas sa iba't- ibang direksiyon. Walang anu-ano'y isang mabilis na bagay ang lumipad patungo sa akin.

Isang makaliskis at madulas na buntot.

Sinubukan ko itong salagin ngunit hindi sapat ang aking karit upang pigilan ito, masiyadong malakas ang puwersa nito—

Ack!

Hindi ko makita ng maayos ang paligid at tila ba patuloy lamang ito sa pag-ikot. Kasabay noon ay ang pagdama ko sa napakatitigas na bato na aking nagugulungan.

Napadapa ako at ginamit kong tukod ang aking karit upang mapahinto ang aking sarili. Langhap na langhap ko ang amoy ng lupa sa kung saan ako tumilapon.

Mabilis akong tumayo ngunit agad ding napigilan ng biglaang hilo.

Mukhang nagamot nga ni Maria ang mga sugat ko, ngunit hindi niya naibalik ang dugong nawala sa akin sa walang humpay na laban.

Kanina'y hindi na ako sigurado kung ano ang gagawin ko, hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang kalokohang ito.

Ngunit habang nakikita ko sa kasalukuyan na sinusubukan ng dalawa kong kasama na salungatin ang lahat ng bagay na susubukang pumigil sa amin upang maabot ang aming mga mithiin, napagtanto kong..

Sundo [The Reaper]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon