Chapter 44

17.5K 178 4
                                    

Chapter 44

Pangiti-ngiti si Patrick habang nakamasid sa amin ni Chuck. Nagkamalay na kasi ang huli at ngayon ay ginagamot ko ang sugat na tinamo nito. Napapa-aray ito sa tuwing idadampi ko ng bulak na may alcohol sa kaniyang pisngi.

"Bakit kasi hindi mo pa sinasagot 'yan, Ligaya? At nang hindi na 'yan nagkakaganyan. Napag-iinitan tuloy ng gago mong ex husband."

Pinandilatan ko si Patrick. "Anong konek no'n, Patty? Kilala mo si Fern, hindi no'n titigilan si Chuck." Napatingin ako kay Chuck, nakasandal ito sa sopa at napapangiwi habang ginagamot ko ang sugat.

"Aray! Sweetheart, naman. Ang sakit," reklamo nito nang hindi sinasadyang  madiinan ko ang sugat.

"Tiisin mo ang sakit," galit kong wika at mas lalo ko pang diniinan ang sugat niya kaya lalo itong napaaray.

"Aray!" wika nito sabay hawak sa kamay ko. "Hindi mo lang alam pero ang tagal ko ng tinitiis ang sakit." Nilagay nito ang isa niyang kamay sa kaliwang dibdib na animo'y naroon ang tinamo niyang sugat at hindi sa mukha. Napangiti si Patrick sa sinabing iyon ni Chuck. 

"Hmmm... Sounds interesting," dinig kong wika ni Patrick. "At kailan mo pa naramdaman ang sakit na 'yan, Chuck." Ngumisi ito na tila nanunudyo.

"Matagal-tagal na rin—"

"Pwes, tiisin mo! Ginusto mo 'yan," galit kong saad saka binawi ang aking kamay na hawak niya.

"Sweetheart, naman," wika nito saka bumuntong-hininga.

"Grabe ka naman, Ligs," sabat ni Patrick. "Nasaktan na nga 'yung tao, ganyan mo pa tratuhin."

Napataas ang kilay ko kay Patrick. "Bakit? Kasalanan ko ba kaya nasaktan si Chuck? E, kung tutuusin pwede naman siyang lumaban, pero anong ginawa niya? Hinayaan niyang dumapo ang kamao ni Fern sa mukha niya. Pero kung iba ang kaharap niya, isang maling salita lang, nakahanda na siyang makipagbasagan ng mukha!"

"Naunahan lang ako, sweetheart," wika ni Chuck.

"'Yun na nga ang punto ko, Ligaya," muling sabat ni Patrick. "Kapag sinagot mo si Chuck, wala na 'yan sasantuhin kahit pa ang lintik mong ex. Nagdadalawang-isip lang 'yan na basagin ang mukha no'n dahil baka magalit ka. See? Ikaw pa rin ang iniisip niyan." Inirapan ako nito.

Naalala ko ang mga sinabi sa akin ni Chuck dati. Na ayaw niyang saktan si Fern dahil kung sasaktan niya ito ay parang ako na rin ang sinaktan niya. Kaya titiisin niya na lang  ang sakit kaysa makita niya akong nasasaktan. Pero hindi niya ba alam na masakit sa kalooban ko na makitang nagpapakatanga siya para sa isang babaeng katulad ko? Na kung tutuusin ay mas maraming babae ang higit pa sa akin pero bakit ako? Bakit?

"Shut up, Patrick," angil ko dito. "Matulog ka na, alas dos na ng madaling araw. Aalis na rin si Chuck mayamaya."

"Ano?! Pauuwiin mo si Chuck na ganyan ang hitsura? Magkaroon ka naman ng konsiderasyon, Ligaya. Dito mo na patulugin 'yan. Kawawa naman, nawalan na nga ng malay, itataboy mo pa." Makahulugang tingin ang ipinukol nito kay Chuck saka ngumiti nang kumunot ang aking noo. "O, paano, Ligs, Chuck," wika nito saka tumayo. "Uuwi na ako at naghihintay sa bahay si boyfie."

Tumango si Chuck. "Ingat ka, Patty."

"Palagi naman akong nag-iingat. Ikaw ang mag-ingat dahil hindi lang 'yan ang aabutin mo sa gagong iyon," sagot ni Patrick sabay iling nang makita ang pangingitim  ng pisngi ni Chuck.

"I told you naunahan lang ako. Anyway, salamat sa paalala."

Tumango si Patrick at tinapik sa kanang balikat si Chuck saka naglakad palabas.

The Joy of The Playboy (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon