Tahimik kong pinagmamasdan ang malalaki at malalapad na ngiti ng mga tao sa paligid ng hall. Walang humpay ang kwentuhan at tawanan ng mga matataas at mararangyang uri ng pamilya na namumuno sa kani-kanilang lugar. Gusto kong maniwala na totoo ang mga ngiting pinapakita nila ngunit sa tuwing iisipin ko ang bagay na 'yon, pakiramdam ko'y gusto kong masuka.
"Wala ka bang balak makipag-usap manlang sa kahit na sino rito sa loob?" Napalingon ako sa nagsalita. Si Frank, ang pinsan ko. Umupo siya sa bakanteng upuan sa tabi ko. Hindi ko naiwasang mamangha dahil sa kagwapuhan niya ngayong gabi. Mukhang pinaghandaan niya talaga ang birthday party ni Papa. Masyadong plantsado ang kulay abong tuxedo na humahapit sa kakisigan ng katawan niya. Bumagay rin dito ang kulay abo niyang buhok. "Masayang nakikihalubilo ang mga magulang mo sa mga bisita tapos ikaw nagmu-mukmok lang dito."
Tinaasan ko siya ng kilay. "Alam mong ayaw kong sumama rito, Frank. Pinilit niyo lang ako."
"Birthday ni Gov. Carlos, ang Papa mo, tapos hindi ka pupunta?"
Hindi ko siya pinansin. Binalingan ko nalang ulit ng tingin ang lahat ng tao sa paligid. Masyadong magagarbo at makikinang ang kanilang suot. Mas lalo tuloy naging halata kung gaano sila karangya.
Napatingin ako sa suot ko. Makinang na kulay puti ang pinasuot na gown sa akin. Masyadong hapit ang gown kaya nakikita ang kurba ng katawan ko. Nakataas ang kulay pula kong buhok kaya mas nag-aagaw pansin ang mga alahas na suot ko.
Napabuntong-hininga ako. Masyadong pormal ang suot ko at ayaw ko nito. Mas gusto ko pa ng maiksing fitted dress tapos pupunta ako sa bar para uminom at sumayaw.
Teka, kung tumakas nalang kaya ako? Tama! Tatakas nalang ako habang busy pa sina Mama at Papa!
Binalingan ko si Frank na ngayo'y nakatingin sa mga bisita at nginingitian ang kung sinumang dumaan sa table namin at mapatingin sa kanya. "Pupunta lang ako sa CR."
"Mamaya na. Mag-uumpisa na ang party."
"Naiihi na ako. Sa tingin mo mapipigilan ko pa ito?"
Magsasalita pa sana siya ngunit biglang nagsalita ang emcee sa harap. Tumayo siya para lumipat ng pwesto. Napailing ako sa pagkadismaya nang makitang humahakbang na sina Mama at Papa palapit sa table namin.
"Okay ka lang ba rito, anak?" tanong sa akin ni Mama.
Tumango lang ako. 'Di bale, may chance pa naman akong tumakas mamaya.
Nagpalakpakan ang mga tao nang tawagin ng emcee ang pamilya namin. Tamad akong tumayo kasabay nina Mama at Papa upang magtungo sa stage. Sumunod naman sa amin ang pamilya ni Frank.
Nasilaw ako sa flash ng camera na bumungad sa 'min. Naramdaman kong tinabihan ako ni Frank at pasimpleng siniko sa tagiliran dahilan upang mapatingin ako sa kanya. "Ngumiti ka."
Binalingan ko ng tingin ang mga bisitang nakatingin sa amin. Ang dami nila! At kung hindi ako ngingiti, baka magkaro'n pa ng issue at bad image si Papa. Ayaw ko maging dahilan pa ito ng away naming dalawa. Oh gosh! Nakakainis ang ganito, ah!
Wala akong nagawa kundi ngumiti sa harap ng camera at sa mga taong nanonood sa amin. Ginawa ko 'yon hanggang sa tumigil ang palakpakan.
"Tonight, let us hear a short message from our beloved governor," ani emcee sabay tingin kay Papa upang ibigay ang microphone.
Tinanggap ni Papa ang mic at pumwesto sa tapat ng pulpito. "Una sa lahat, maraming salamat sa mga dumalo sa aking kaarawan. Ang iba sa inyo'y galing pa sa malayong lugar kaya nagpapasalamat ako dahil naglaan kayo ng oras para rito. Nagpapasalamat din ako sa aking pamilya," sabay tingin sa amin. "na ngayo'y nasa harap niyong lahat at kumpletong nandito ngayon sa pinaka-importanteng araw sa buhay ko."
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
БоевикThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...