Maya't-maya ang lingon ko sa paligid habang maingat na minamaneho ang sasakyan ni Julius. Bukod sa ngayon na lang ulit ako nakahawak ng manibela, dinodoble ko rin ang aking pag-iingat upang walang rebelde na makakita sa akin.
Tinatahak ko ang nakakatakot na daan palabas ng Catalina. Halos wala ng ilaw ang headlight ng sasakyan dahil baka makaagaw pa ako ng atensyon ng kahit na sino.
"In 100 meters, turn left." Sinunod ko ang command ng Waze App. Napasinghap ako nang makita ang malaking tipak ng bato sa daan. Tsk. Hindi ako makakadaan.
Muli kong inatras ang sasakyan upang dumaan sa kalsadang walang sasagabal sa akin. Napatingin ako sa mapa nang magre-route ito. Nadismaya ako dahil mas lalo pa akong lumayo sa aking pupuntahan. Mas lalo tuloy mapapatagal ang oras ko rito sa daan. Wala akong pwedeng aksayahin maski segundo lalo na't malayang nagagawa ni Frank ang gusto niya ngayon.
Ano na kaya ang ginagawa niya? Umiinom kaya siya ng kape habang nakangising nakaupo sa pwesto niya ngayon? O pinaghahahanap na niya ako dahil alam niyang hindi ako namatay sa bombang sunod-sunod na sumabog no'ng nasa mansyon ako sa San Jose kasama ang mga magulang ko? Kung ano man ang planong binubuo niya ngayon, sisiguraduhin kong masisira lahat 'yon.
Mabilis kong inapakan ang brake nang makaramdam ng matinding hilo. Napailing ako nang muling maalala ang mga gamot na pinapainom sa akin ni Emilia. Kaya pala hindi ako gumagaling—o baka wala naman talaga akong sakit una pa lang—dahil mali ang gamot na pinapainom niya sa akin. Hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako sa tuwing naiisip ko na nagawa niyang pagtangkaan ang buhay ko.
Pinatay ko muna ang makina ng sasakyan at marahang hinilot ang aking sintido. Napapaluha na rin ako dahil mas lalong sumasakit ang aking ulo. Pakiramdam ko'y parang binibiyak ang utak ko.
Kahit mahirap ay tiniis kong gumapang papunta sa backseat at halughugin ang magulong gamit na marahil ay kay Julius. Umaasa ako na sana makakita ako ng kahit anong bagay na pwedeng makatulong sa akin.
Nang makapa ang isang lalagyan sa loob ng itim na bag ay agad ko itong kinuha. Napangiti ako nang makitang tubig ang laman nito. Agad ko itong binuksan at ininom. Hindi ko alam kung kailan pa ito nakalagay sa loob ng sasakyan ngunit dahil sa matinding uhaw, wala na akong pakialam. Sunod ay nakakita ako ng isa pang maliit na bag. Nang buksan ko ito'y tumambad sa akin ang gamot, oil, at kung ano-ano pa na pwedeng gamitin sa taong may sakit.
Bakit may ganito si Julius?
Kinuha ko ang oil at muling sinara ang bag. Ibabalik ko na sana ito kung saan ko dinampot nang mapansin ang naka-burdang pangalan sa harap.
"Lola Esmeralda." mahina kong bigkas.
Napangiti ako. Paniguradong kay Lola Esmeralda ito at sinadya niyang ilagay sa sasakyan ni Julius upang may gamitin ng apo niya kung sakaling sumama ang pakiramdam nito.
Kumusta na kaya siya? Hindi ko na nagawang hintayin siya kanina dahil kinailangan ko nang umalis. Kailan kaya ulit kami magkikita?
Pinahid ko ang mabango at malamig na oil sa aking sintido. Hindi man nawala ang sakit ng ulo ko ngunit nakaramdam ako ng ginhawa dahil sa lamig at bango na dulot nito. Alam kong hindi ito ang tamang gamot para sa nararamdaman ko ngunit kailangan may gawin ako upang maibsan ang hilo na nararamdaman ko.
Muli kong binuksan ang makina ng sasakyan. Nang paandarin ko na ito'y mabilis akong napayuko dahil sa baril na tumama mula sa likod ng sasakyan. Dala ng matinding gulat at kaba, pinaharurot ko ang sasakyan hanggang sa makalayo. Ang akala ko'y tuluyan na akong nakalayo ngunit nang marinig ang mabilis at kumikiskis na ingay galing sa sasakyang humahabol sa akin, muli na naman akong binalutan ng kaba.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...