Maingat niya akong binaba sa bench sa gilid ng garden. Umayos ako ng upo ngunit hindi ko pinapatama ang paa ko sa lupa dahil sa kirot na nararamdaman ko. Binalingan ko ng tingin ang sundalong bumuhat sa 'kin na ngayo'y inaayos ang nagusot niyang uniporme.
"Saan ka nakatira?" tanong niya.
Nakatayo siya sa harap ko at pinanatili ang katamtamang espasyo sa pagitan naming dalawa. At dahil maliwanag na sa parte ng pwesto namin ngayon, kitang-kita ko na ng maayos ang itsura niya.
Ang linis ng mukha niya dahil sa kanyang gupit. Ang tikas din ng tindig niya. Hindi nga lang siya maputi dahil sigurado akong nababad siya sa matinding training sa ilalim ng sikat ng araw. Gano'n naman talaga ang mga sundalo, 'di ba?
"Bakit hindi ka nagsasalita? Siguro'y magnanakaw ka, ano?"
Biglang kumulo ang dugo ko. Pinilit kong tumayo para pantayan siya ngunit hindi ko nagawa dahil naramdaman ko ang matinding kirot sa paa ko. Nakita kong napatingin siya sa paa kong naka-angat sa ere. Akala ko'y susuriin niya ito pero hindi, tinitigan lang niya.
Anong klaseng sundalo ba ang lalaking ito at hindi manlang marunong tumulong sa kapwa? Kahit first aid manlang, hindi niya ginawa! Walang kwenta!
"Hindi mo manlang ba ako bibigyan ng first aid?" reklamo ko.
"Sagutin mo muna ang tanong ko—"
"Anong klaseng sundalo ka at wala kang malasakit sa kapwa?"
Hindi siya nagsalita. Nanatiling diretso ang malamig niyang tingin sa akin na para bang sinasabi niya na hindi siya nakikipagbiruan.
Wow! Sa tingin ba niya nakikipagbiruan ako sa kanya? Ako na nga ang pilay, siya pa 'tong may ganang magalit.
Ilang saglit pa'y kinuha niya ang walkie talkie na nakasabit sa gilid ng kanyang uniporme. May pinindot siya ro'n bago nagsalita, "Hello, King. This is Lion. Message. Over."
Nanatili akong nakatitig sa kanya. Hindi rin nawala ang tingin niya sa 'kin habang may kausap sa walkie talkie.
"Lion. Send. Over." tugon ng kausap niya.
"King, nandito ako sa garden sa labas ng building. Need back-up. Over."
Nanlaki ang mata ko. Wait, sinusumbong ba niya ako sa kausap niya?
"Hoy! Ano'ng ginagawa mo?" tanong ko na hindi niya pinakinggan. Nanatili siyang pokus sa kausap. Gosh! Hindi pwede! Pag nagsumbong siya, magagalit sa 'kin sina Mama at Papa!
"Roger that. Over."
Ilang saglit pa'y tinago na niya ulit ang walkie talkie. Mas lalo akong nainis. "Ano ba'ng problema mo, ha?"
Hindi siya nagsalita. Wala pang ilang minuto'y biglang may dumating na isang sundalo. Hinihingal pa ito nang makarating sa tapat namin. "Ano'ng mayro'n dito, Jose?" tanong niya sa lalaking bumuhat sa 'kin kanina.
"Sa tingin ko'y pinasok tayo ng magnanakaw, Miguel." tugon ni Jose nang hindi manlang napuputol ang tingin sa 'kin.
Umawang ang bibig ko sa narinig. Binalingan naman ako ng tingin ni Miguel. Tumaas ang kilay ko nang bigla siyang ngumisi sabay akbay kay Jose. "Pambihira! Kilala mo ba kung sino ang nakita mo, Jose?"
Kunot-noong binalingan ng tingin ni Jose si Miguel. Napailing na lang si Miguel dahil sa inakto ng kaibigan. Bigla tuloy akong kinabahan. Kilala kaya niya ako? Kung oo, paano? Wala naman akong kinalaman sa presidente ng Pilipinas kaya imposibleng makilala niya kung sino ako.
"Nakausap ko ang isa sa mga tauhan ng gobernardor kanina. Lihim silang humingi ng tulong sa ilang mga sundalo sa loob para hanapin ang tumakas na anak ng gobernador. Kaya hanggat wala pang nakakapansin na nawawala siya, kailangan na natin siyang ibalik sa loob." paliwanag ni Miguel.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...