Umangat ang tingin ko kay Mama nang lagyan niya ng kanin at ulam ang plato ko. "Ma, ako na." sambit ko ngunit hindi niya pinansin.
Wala akong nagawa kundi pagmasdan na lang siya sa kanyang ginagawa. Kailan ba ako masasanay sa pagiging maasikaso ni Mama?
"Akala ko'y hindi ka na pupunta ngayong gabi, Lt. Col. Alejos." tinig ni Papa kaya napatingin ako kay Jose. Katapat namin siya ni Mama habang si Papa nama'y nakaupo sa gitna.
Tumaas ang kilay ko nang balingan niya ako ng tingin. May gana pa talaga siyang tumingin sa 'kin ng ganyan pagkatapos niya akong bastusin kanina? Grabe, ano'ng karapatan niyang tanggihan ang offer ko? Alam ko namang gusto niya rin magkaroon ng pera kaya bakit nag-iinarte pa siya? Kainis.
"Inasahan niyo po ang pagdating ko kaya dumating ako." magalang niyang tugon.
"Nag-alala lang kasi ako sa sinabi ni Col. Aragon. May training ka raw na pinupuntahan araw-araw kaya akala ko'y hindi mo na tatanggapin ang trabahong ibibigay ko sa 'yo."
"Malapit po sa puso ko ang lalawigan ng Elena dahil dito na ako lumaki. Lumipat lang po ako sa Maynila para magtrabaho sa palasyo. Kaya nang malaman kong magta-trabaho ako rito, hindi na ako nagdalawang-isip na tanggapin ito." nakangiting lahad niya.
So, taga rito pala siya? Pero saan sa Elena? Ang laki kaya ng lugar na ito.
"Kung gano'n, magkababayan pala tayo. Natutuwa akong malaman na mas gusto mong maglingkod dito sa atin."
Ngumiti lang si Jose bago muling ipagpatuloy ang pag kain.
Hanggang sa matapos kaming kumain ay hindi natanggal ang tingin ko sa kanya. Kailangan ko siyang kumbinsihin na hayaan akong pumunta sa kahit saan ko gusto nang hindi siya kasama. Ayaw ko kasing magpunta sa bar ng may kasamang sundalo. Baka isipin pa nila kriminal ako o kaya'y may krimen o gyera na mangyayari sa paligid. Maghahatid lang ako ng takot sa mga tao kapag may kasama akong gaya niya.
"Mayro'n akong hinandang kwarto para sa 'yo, Lt. Col. Alejos. Ipapahatid na lang kita kay Emilia para hindi ka maligaw." wika ni Papa.
"Salamat po, Governor—"
"Sir Carlos na lang," pagputol ni Papa. "Hindi ako governor pag nandito sa loob ng bahay."
Napakamot ng ulo si Jose. "Salamat po, Sir Carlos. Jose na lang din po ang itawag niyo sa 'kin."
Kumunot ang noo ni Papa. "Hindi ba't nakakabastos kung—"
"Mas kumportable po ako kung tatawagin niyo ako sa pangalan ko."
Saglit na natahimik si Papa bago ngumiti. "O sige na nga, Jose na lang ang itatawag ko sa 'yo."
Ngumiti lang si Jose. Ang saya-saya nila tignan samantalang ako, nag-iisip kung paano makakatakas mamayang gabi. Gusto kong magpunta sa bar kahit nakaupo lang ako sa couch at umiinom ng drinks.
Bakit ba kasi ang malas ko? Problema ko na nga ang pilay ko tapos problema ko pa 'tong sundalong maangas na 'to.
Ilang saglit pa'y pinatawag ni Papa si Emilia. Nang makarating si Emilia, binilin niya agad na ihatid si Jose sa kwarto nito.
"O siya, mauna na ako sa inyo. Maaga pa ang gising ko bukas dahil bibisitahin ko pa ang ilang bayan dito sa Elena." sambit ni Papa.
"Sige, Carlos. Mauna ka na sa kwarto mo. Ihahatid ko muna si Carina sa kwarto niya."
"Sige."
Nauna nang umakyat si Papa. Napatingin naman ako kay Jose na naabutan kong nakatingin sa 'kin. Ano ba'ng problema ng lalaking ito at tingin siya ng tingin sa 'kin?
![](https://img.wattpad.com/cover/157017306-288-k42034.jpg)
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...