Pag-uwi namin sa bahay nila Jose ay hinanda na nina Mang Lupe at Mang Karyo ang lamesa at upuan sa hardin. Pinatong nila ro'n ang iba't-ibang uri ng alak at pulutan.
Unang umupo si Calista. Sumunod sa kanya si Tonyo. Nang mailagay na nina Mang Lupe at Mang Karyo ang huling pagkain ay pumwesto na rin sila.
"Mauna na ako sa loob. Ang sarap na ng tulog ng apo ko, eh." ani Nanay Juana na ngayo'y karga-karga ang natutulog na si Kiko.
"Ako na po ang magdadala sa kanya sa kwarto." alok ni Jose na agad tinanggihan ni Nanay Juana.
"Samahan mo na sila. Ako na ang bahala kay Kiko."
Bago pa man makapagsalita ulit si Jose ay pumasok na sa loob si Nanay Juana. Naiwan kaming dalawa na nakatayo sa tapat ng pintuan.
"Bok!" Pag-agaw ni Calista sa atensyon ni Jose. "Tara rito, inom tayo!"
Umiling si Jose. "Alam mo namang hindi ako umiinom, 'di ba?"
Sumimangot ang mukha ni Calista. "Taon-taon mo na lang ako pinapaasa na iinom ka sa kaarawan ko. Huwag mong sabihin na papaasahin mo ulit ako?"
Nagtawanan sina Tonyo, Mang Lupe, at Mang Karyo. Bahagya namang umiwas ng tingin si Jose.
"Lion!" Napatingin kaming lahat sa lalaking sumigaw.
"Petrio!" masayang wika ni Jose bago tumakbo papunta sa gate upang papasukin sila.
"Huli na naman kayo dumating. Hindi niyo naabutan ang kainan kanina sa bayan!" bungad ni Calista nang makapasok sina Petrio, Miguel, at Ismael.
"Hindi pa naman kami huli sa inuman, 'di ba?" nakangising tugon ni Miguel.
"Oo naman! Tara rito!" aya ni Mang Karyo.
Sabik na lumapit ang tatlo sa pwesto nila Mang Karyo. Napatingin ako kay Jose na naiiling na lang dahil sa inasta ng mga kaibigan.
"O ano, Bok? Tara na!" Si Calista.
Gaya ng inasaha'y tumanggi ulit siya. Umiling ako bago humakbang palapit kila Calista. "Can I join?"
Saglit silang natigilan bago ako pinaupo sa bakanteng upuan sa tabi ni Petrio.
"Umiinom ka ba ng lambanog, Ms. Carina?" tanong ni Tonyo.
"Hindi pa ako nakakainom ng lambanog pero gusto kong subukan."
Humiyaw sila sa tuwa bago ako sinalinan ng lambanog sa baso. Napatingin ako sa kamay ni Tonyo nang iabot ito sa akin. Tinanggap ko ang baso at diretsong tinungga ang laman nito. Napangiwi ako dahil sa hindi maipaliwanag na tapang ng likidong humagod sa lalamunan ko.
"Tama na 'yan. Iuuwi ko na si Ms. Carina." Pagputol ni Jose sa kasiyahan.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Bukas na tayo umuwi!"
"Hindi pwede. Kailangan na natin magpunta sa mansyon para salubungin ang sasakyang ipapadala ni Sir Frank."
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Calista ng mapakla kaya napatingin ako sa kanya. Kitang-kita ko ang lungkot sa bawat kilos niya. Bumuntong-hininga ako bago balingan ulit si Jose. "Aalis ka nang hindi manlang tinutupad ang hiling ni Calista?" Gulat na napatingin sa 'kin si Calista. Ngumiti ako sa kanya bago ko ibalik ang atensyon sa aking body guard. "Ano, Jose? Isang baso lang."
"Ito sir, oh!" pabirong sambit ni Ismael bago iabot ang isang baso kay Jose.
Nagpakawala ng mabigat na buntong-hininga si Jose bago kinuha ang baso sa kamay ni Ismael. Naghiyawan ang lahat. Napangisi naman ako.
"Isang baso lang." ani Jose sabay tingin kay Calista.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Calista lalo na nang diretsong inumin ni Jose ang alak sa baso. Mas lalong lumakas ang kantyaw nila nang mamula ang mukha nito. Hindi ko na rin napigilang matawa dahil mukha na siyang kamatis ngayon.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AksiThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...