Dahil sa mga nangyayari ngayon, masasabi kong marami na talaga ang nagbago. Magsimula tayo sa pagtapak pa lang natin sa labas. Ang dating makulay at masayang kapaligiran ay nabalutan ng kababalaghan. Ang kapayapaan ay tila naglaho sa isang iglap lang. Hindi na rin masilayan ang ngiti sa mga taong nakakasalamuha namin. Punong-puno ng pangamba ang kanilang mukha na tila'y pakiramdam nila may sumusunod sa kanilang panganib.
Hindi lingid sa kanilang kaalaman, dalawang araw mula ngayon, isang panganib na naman ang paparating. Muling aatake ang mga rebelde nang wala silang kaalam-alam. Hindi namin ito mapipigilan. Sa ayaw o sa gusto namin, maraming mamamatay. Maraming madadamay. Oo, hindi namin ito mapipigilan, ngunit sisiguraduhin namin na ito na ang huling beses na mandadamay sila ng inosenteng tao. Matutuldukan na ang gyerang ito.
Tinignan ko ang sarili sa malaking salamin. Hinaplos ko ang suot kong uniporme. Ito ang unang beses na nagsuot ako ng damit pandigma. Sunod kong hinawakan ang buhok kong kinulayan ng itim at ginupitan na abot hanggang leeg ang iksi. Kahit nagupitan ay nagawa ko pa ring itali ito, alinsunod sa gusto ni Julius. Hindi yata pwedeng nakalugay lang ang buhok ng isang babaeng sundalo.
Nang mapayuko ako'y napatingin ako sa suot kong combat shoes. Hindi ko pa ito natitirintas kaya lumuhod ako ng kaunti upang itali ng maayos. Pagkatapos ay sinubukan kong itapak at ilakad ang mga paa ko. Para lang akong may suot na boots na ginagamit ko kapag gusto kong pumorma noon. Ang kaibahan lang ay medyo mabigat ito sa paa.
Tumayo ako ng tuwid hanggang sa makita ang suot kong dog tag na bigay ni Jose. Kinapa ko ito bago tinago sa ilalim ng aking suot na uniporme.
"Paano kaya kung hindi ako si Jose na sundalo at hindi ikaw si Carina na anak ng gobernador, sa tingin mo magtatagpo pa rin tayo?" Ang naalala kong tanong sa akin ni Jose noon.
Ang totoo niyan, hindi sa mundong ginagalawan namin nakasalalay ng pagtatagpo namin. Parehas kaming may pagpipilian kung gusto naming manatili sa tabi ng isa't-isa. Sadyang totoo lang talaga na kapag itinadhana kayong dalawa, kahit ano'ng gawin niyo, hindi na kayo mapaghihiwalay pa.
Masasabi kong magkaiba nga kami kung paano lumaban sa buhay. Ang mga kagaya niya ang nagsasakripisyo upang protektahan ang bansa. Sila ang sumasalo ng bala upang walang inosenteng tao ang magbuwis ng buhay at mamaalam sa kanilang pamilya.
Samantalang kami—na nakaupo sa mataas na posisyon—tahimik na pinagmamasdan ang nangyayari sa kanila. Ang sabi nga nila "utak" daw sa isang gyera ngunit, hindi lahat ginagamit ito sa mabuting paraan. Minsan ay sila pa ang "utak" sa likod ng kaguluhan at kahirapan. Sila ang mga taong nasilaw sa salapi at karangyaan. Mga abusado sa kanilang posisyon.
Ngunit ngayon, nasa iisang mundo kami ni Jose. Suot ko ang uniporme ng isang sundalo gaya ng lumalaban sa gyera at sumasalo ng bala. Buhay ko rin ang nakataya rito dahil walang kasiguraduhan na hindi ako mahuhuli ni Frank. Walang kasiguraduhan kung pagkatapos nito, makakauwi pa ako ng buhay.
Huminga ako ng malalim at pilit na nginitian ang repleksyon ko sa salamin. Kaya ko ito, para sa pamilya at sa bayan.
Nilingon ko ang nakasaradong pinto nang marinig ang tatlong katok ng sinumang nasa labas ng kwarto. Naglakad ako papunta ro'n at marahan itong binuksan. Bumungad sa akin si Jose na nakasuot ng katulad sa akin. Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko mabasa kung ano ang masasabi niya sa suot ko.
"Hindi bagay sa 'yo." komento niya.
Natawa ako. "Talaga? O ayaw mo lang na magpanggap akong sundalo?"
Tumango siya. "Oo, kaya lang mukhang buo na ang desisyon mo. Kahit ayaw ko, gagawin mo pa rin ang gusto mo."
Lumapit ako ng bahagya sa kanya at tumitig sa mga mata niya. Halos ilang segundo rin kami nakatitig sa isa't-isa. Sunod ay marahan kong dinampi ang aking kamay sa kanyang pisngi. Hinawakan ko ang kanyang maliliit na sugat. Muli ko na namang naalala ang sinabi ni Ciella kanina. Ito na siguro ang tamang oras para itanong ko sa kanya ang bagay na 'yon.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...