"Mag-ingat kayo, ha." bilin ni Nanay Juana.
"Opo, Nay. Kayo rin, mag-ingat kayo rito. Tawagan niyo po ako agad kapag may problema." sambit ni Jose.
"Huwag mo na kaming alalahanin dito. Ang mahalaga'y magawa mo ng maayos ang trabaho mo. Alagaan mo ng maigi si Ms. Carina."
Napatingin silang lahat sa 'kin. Tanging ngiti lang ang naiganti ko dahil hindi ko alam kung paano ako tutugon sa mga tingin nila.
"Sige po, aalis na kami. Baka wala pang—"
"Kapitana! Kapitana!"
Napalingon kami sa lalaking hingal na hingal nang makalapit sa 'min. Diretso ang tingin niya kay Nanay Juana na ngayo'y halata ng pangamba sa mukha.
"Bakit, ano'ng nangyari, Jojo?"
"Nagkakagulo sa palengke!"
Nanlaki ang mata ko. Nadagdagan din ang pag-aalala sa mukha ni Nanay Juana.
"Ako na ang bahala sa gulo, Bok. Ihatid mo na si Ms. Carina sa mansyon." matapang na sambit ni Calista.
"Paano kung mapahamak ka?" bakas ang pag-aalala sa boses ni Jose.
Ngumisi si Calista. "Bok, importante si Ms. Carina. Siya ang unahin mo. Ako na ang bahala rito."
Nilingon ako ni Jose. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang kagustuhang samahan at protektahan si Calista. Ito ang unang beses na nangusap ang mga mata niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit hindi ko kayang ipagsawalang bahala 'yon.
"Pwede naman tayong mag-stay rito hanggang mamayang gabi. Gusto ko rin masaksihan ang unang araw ng pista sa San Jose." sabi ko.
Kumunot ang noo ni Jose. "Sigurado ka, Ms. Carina?"
"Oo. At isa pa, gusto kong makasama ng mas matagal si Kiko." Bumaba ang tingin ko kay Kiko nang marinig ang mahina niyang hagikgik. Ningitian ko lang siya at bahagyang ginulo ang buhok.
"Kung gano'n, Tonyo, bantayan mo si Ms. Carina rito sa bahay. Pupunta lang ako sa palengke upang tignan kung ano'ng nangyari." bilin ni Nanay Juana.
"Opo, Nay. Mag-ingat po kayo." tugon ni Tonyo.
"Sasamahan na kita sa palengke, Nay." presinta ni Jose. Sunod ay nilingon niya si Calista. "Bok, maiwan ka na rito. Bantayan mong maigi si Ms. Carina. Kapag may nangyaring masama, huwag kang gumamit ng walkie-talkie para kausapin ako. Cellphone gamitin mo."
Tumamad ang tingin ni Calista. "Hoy, Bok. Hindi ako pwedeng maiwan dito. Sasamahan kita!"
"Bilisan na po natin!" nagmamadaling sambit ng lalaki.
Pinangunahan ni Nanay Juana ang paglalakad. Sumunod si Jose at ang lalaki. Wala na rin silang nagawa nang sumunod si Calista.
Iginiya ako ni Tonyo papasok muli sa bahay. Iniwan niya kami ni Kiko sa salas para magpunta sa likod ng bahay kung saan nando'n sina Mang Karyo at Mang Lupe na naghuhugas ng pinggan.
Sinusubukan kong ituon ang atensyon ko sa pakikipaglaro kay Kiko ngunit hindi matanggal sa isip ko ang nangyari kanina. Masyado akong umasa na para sa akin ang damit na binili ni Jose. Nasanay na siguro ako na sa akin lang niya binubuhos ang kanyang atensyon. Sa akin siya nagta-trabaho at parte ng trabaho niya ang alagaan at protektahan ako. Isa lamang 'yong tungkulin para sa kanya.
Nafru-frustrate ako sa hindi malamang dahilan. Hindi ko maintindihan kung bakit ko ito nararamdaman. Mababaliw na ako.
Tumigil ako sa pakikipaglaro kay Kiko at tahimik na umupo sa sofa. Kinuha ko ang phone sa aking bulsa at binuksan ang Internet. Siguradong matutulungan ako ng Google sa problema kong ito. Nag-type ako sa search bar tungkol sa nararamdaman ko.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...