Kabanata 22

2.6K 100 3
                                    

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko habang nagpapabalik-balik sa paglalakad sa tapat ng opisina ni Papa. Hindi ko rin napigilang paglaruan ang mga daliri kong nanginginig habang hinahanda sa isip ang aking mga sasabihin. Nang makaramdam ng pagod ay sinandal ko naman ang likod ko sa pader sa gilid ng pintuan.

Mabilis kong hiniwalay ang aking sarili sa pader nang biglang lumabas ang secretary ni Papa. Bumaba ang tingin ko sa sandamakmak na folder, envelope, at papel na hawak niya. Ramdam ko ang bigat ng mga 'yon dahil halos lumiyad na siya para lang hindi ito malaglag.

"Ms. Carina? Ano po'ng ginagawa niyo rito?" aniya habang inaayos ang pagkakahawak sa mga bitbit niya.

"Pwede ko bang makausap si Papa?"

Saglit siyang tumahimik bago binalingan ng tingin ang folder na nasa ibabaw ng mga hawak niya. Maingat niya itong binuklat at pinaliwanag sa 'kin. "May meeting po si Governor Carlos after 15 minutes. Pagkatapos no'n ay may meeting naman po siya after lunch. Mamayang 4PM ay aalis naman po siya papuntang San Felipe kasama ang piling Congressman. 8PM onwards pa po ang exact time ng availability ni Governor Carlos." wika niya nang hindi manlang sumusulyap sa 'kin.

"Ang sabi mo after 15 minutes ay may meeting na si Papa? Pwede bang makausap ko muna siya habang hindi pa nag-uumpisa 'yong meeting?"

"Naghahanda na po kasi—"

"Papasukin mo na lang ako para hindi naaaksaya ang oras ko rito."

Natahimik siya at wala nang nagawa kundi sundin ang utos ko. Muli niyang hinarap ang pinto ng opisina at marahan itong binuksan. Sinilip niya muna sa loob ang tatay ko bago nagsalita, "Gusto po kayong makausap ni Ms. Ca—"

Hindi ko na siya pinatapos sa kanyang sinasabi. Tinulak ko ang pinto dahilan para bumukas ito nang mas malawak. Natigilan si Papa sa paglalagay ng mga papel sa itim niyang bag nang makita ako.

"Oh, Carina! Ano'ng ginagawa mo rito?"

Pumasok muna ako sa loob at dahan-dahang sinara ang pinto bago humakbang palapit sa lamesa niya. Hindi na ako umupo sa bakanteng upuan sa tapat ng lamesa dahil hindi rin naman magtatagal ang pag-uusap namin.

"Kailangan kitang makausap tungkol kay Jose." diretso kong sinabi.

Umiling siya at huminga ng malalim bago muling pinagpatuloy ang kanyang ginagawa. "Mabait na tao si Jose kaya kung nandito ka para gumawa ng negatibong kwento tungkol sa kanya kapalit ng kalayaan na gusto mo, pwes hindi ko—"

"Kapag nawala na si Jose sa tabi ko, pangako, susundin ko na lahat ng gusto niyo." pagputol ko sa sinasabi niya.

Nakita ko ang gulat sa mata ni Papa. "Sinasaktan ka ba ni Jose nang hindi ko alam, Carina?" mapanuri niyang tanong.

Ako naman ngayon ang nagulat. "What? Of course not!"

Ano ba'ng pumasok sa utak ni Papa at naisip niya 'yon?

"Pineperahan ka ba niya?" tanong pa niya.

"No!" tugon ko.

"Minumura ka ba niya at pinagsasalitaan ng masasama?"

"Syempre hindi! Ano bang klaseng—"

"Kung gano'n ay bakit gusto mo siyang papaalisin sa tabi mo? Ano ba'ng nararamdaman mo kapag kasama mo siya?"

Doon natikom ang aking bibig. Pakiramdam ko may sumabog na bomba sa dibdib ko dahil sa tanong na 'yon ni Papa. Gusto kong mainis dahil sa bawat araw na lumilipas, mas tumitindi ang kakaiba kong nararamdaman para kay Jose.

"Kung wala kang matibay na rason para paalisin si Jose sa tabi mo, bakit ko siya papaalisin? He's a good man and—"

"Pa, hindi kayang pagsabayin ni Jose ang trabaho niya sa labas at ang protektahan ako. Sundalo siya at hindi siya nararapat manilbihan para sa isang tao lang. Kaya Pa, please, hayaan na natin si Jose gampanan ang misyon niya nang malaya."

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon