Dahan-dahan kong minulat ang aking mata nang maramdaman ang malawak na espasyo sa tabi ko. Do'n ko lang napagtanto na hindi ko na katabi si Jose. Bumangon para ilibot ang paningin sa paligid ng bahay. Bahagya akong nasilaw nang magawi ang mata ko sa bintana at pintuang nakabukas.
Hinawi ko ang kulambong humaharang sa 'kin upang tumayo at kumpirmahin ang presensya ni Jose sa labas. Pagdating sa bungad ng pintuan ay nakita ko sa labas si Jose na nagsisibak ng kahoy. Napansin ko rin ang saging na saba sa gilid na mukhang kinuha niya sa puno.
Napatingin ako sa mga kapit-bahay na nagbubulungan habang nakatitig sa pawisan na si Jose. Naningkit ang mata ko dahil mukhang pinagpapantasyahan nila ang kakisigan ng lalaking ito. Partida, hindi pa naka-topless niyan si Jose! Ano na lang kaya ang mangyayari sa kanila kapag nangyari 'yon? Sigurado akong hihimatayin na lang sila bigla.
"Gising ka na pala, Carina!" Bumaling ang tingin ko kay Jose na ngayo'y hinahawi ang namumuong pawis sa kanyang noo.
Nawala ang ngiti sa labi ng mga kapit-bahay nang makitang sa 'kin na nakatingin ang lalaking pinagpapantasyahan nila.
"Akala ko tunaw ka na riyan." sambit ko.
"Ha? Tunaw? Bakit?" naguguluhang tanong ni Jose.
Ngumuso ako papunta sa direksyon ng mga kapit-bahay na nagbubulungan. Sinundan naman ni Jose ang direksyong 'yon kaya mabilis na nagtakbuhan ang mga kapit-bahay papasok sa kani-kanilang bahay.
"Akala ko ba alerto ang mga sundalo? Hindi mo manlang napansin na kanina ka pa tinititigan ng mga kapit-bahay natin?"
Bahagya siyang natawa bago humarap sa 'kin. "Ano'ng gusto mo, sa loob ng bahay ako magsibak ng kahoy para walang makakita sa 'kin?"
Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. "Hindi gano'n ang ibig kong sabihin."
Nanatiling tikom ang kanyang bibig habang nakatitig sa 'kin. Nailang ako do'n kaya umiwas ako ng tingin at nagsalita, "Saan ka nga pala nakakuha ng saging? At ano'ng gagawin mo riyan?" pag-iba ko ng usapan.
Bumaling ang atensyon niya sa saging bago muling tumingin sa 'kin. "Lalagain ko ito para may makain tayo mamaya habang hindi pa ako nakakapunta sa palengke."
Tumango lang ako habang nakatitig sa mga saging. Hindi ako sanay na gano'n ang kinakain sa umagahan kaya hindi ako sigurado kung kakayanin kong kainin 'yon mamaya. Mukhang wala naman akong choice dahil saging lang ang pantawid-gutom namin. Kailangan ko na nga siguro talagang masanay sa ganitong sistema habang hindi pa ako nakakauwi sa mansyon.
"Tao po."
Sabay kaming napatingin ni Jose sa matandang lalaki at babae na nasa labas ng bakod. Nagkatinginan muna kami bago niya pagbuksan ang mga ito at papasukin sa bungad. Lumapit na rin ako sa kanila upang alamin ang kanilang sadya.
"Magandang umaga sa inyo!" masayang bati ng matandang babae na may hawak na bayong.
"Magandang umaga rin po." nakangiting tugon ni Jose.
"Totoo nga ang bali-balita na may bagong nakatira rito sa baryo namin," boses ng matandang lalaki. "Kailan pa kayo dumating?"
"Kagabi lang po." sagot ni Jose.
"Ah, kaya pala may maingay na sasakyan akong narinig kagabi," sambit ng matandang babae. "Diyan lang kasi kami nakatira kaya agad kong narinig 'yong sasakyan." sabay turo sa katapat naming bahay.
"Marami na ring nakakita ng sasakyan mong pang-sundalo kaya maraming nagulat na baka may mga rebeldeng nagkalat dito sa lugar namin na huhulihin niyo. Ngunit nang mapansin namin na wala kayong kasamang ibang sundalo, nakahinga kami ng maluwag." boses ng matandang lalaki.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AcciónThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...